MANGILAN-NGILAN lamang, bukod marahil sa pamilya ni atty. manuel ‘manong’ almario, ang nakakaalam ng kanyang huling habilin – ito ay mistulang last will and testament na hindi kinapapalooban ng malaking halaga ng salapi at kayamanan kundi ng isang mataimtim na pagsabog ng bahagi ng kanyang abo sa bakuran ng gusali ng National Press Club at sa mga kalapit na lugar na madalas nilang pamalagian noon.

Ang nalalabing bahagi naman ng kanyang abo ay nakatakdang ilagak ngayon sa isang simbahan sa malapit sa kanyang tahanan sa Project 6, Quezon City. Ngayon ang ika-40 araw ng kanyang kamatayan at nakatakda itong daluhan ng ating mga kapatid sa media, lalo na ang kanyang mga kapanahon na ngayon ay aktibo pa rin naman sa pamamahayag at sa pagpapatalim ng kani-kanilang journalistic talent.

Wala akong natatandaan na ang huling habilin ni manong maning ay naganap bago siya sumakabilang-buhay, 40 araw na nga ang nakaraan. Ito ay hindi naman natin dapat ikabigla. Isa ako sa mga nakakaalam na ang ganitong pambihirang okasyon ay magaganap, lalo na ang kanyang kahilingang isagawa ang

cremation pagkatapos ng ilang araw na pagkakaburol.

National

Ilang nababahala sa CSE, pakikinggan ng DepEd

Hindi marahil kalabisang minsan pa ay banggitin na ang naturang mga kahilingan at plano ay malimit niyang usalin sa pagkikita namin sa NPC halos araw-araw. maging sa mga kumperensiya na aming dinadaluhan dito at sa ibang bansa ay hindi niya nalilimutang banggitin na iyon lamang ang inaakala niyang pamana niya sa NPC na masyadong napamahal sa kanya. Malaking bahagi ng kanyang panahon ay iniukol niya rito, lalo sa pagbalangkas ng mahahalagang regulasyon na dapat maging gabay sa pamamahala ng naturang organisasyon na itinuring nating pangalawang tahanan ng mga mamamahayag. malaking bahagi ang kanyang ginampanan sa pagbalangkas ng umiiral ngayong journalist’s Code of Ethics, kabilang na ang pagiging editor ng ating NPC magazine at iba pang babasahin.

Ito ang dahilan kung bakit hinangad niyang ihasik ang kanyang abo sa NPC grounds, hindi upang itaboy ang masasamang espiritu, tulad ng sinasabi ng ilan, kundi upang ipagunita sa atin na tayo ay minsan pang magtipun-tipon sa naturang gusali upang damahin ang pagkakapatiran at makabuluhang pagsasamahan ng ating mga kapatid sa hanapbuhay.