NAKA-CHAT namin sa Facebook si Ronnie Liang habang naroroon siya sa U.S. kamakailan para klaruhin ang isyung inindiyan niya ang premiere screening ng unang indie film niyang Esoterika Manila na kasama sa Cinema One Originals Film Festival at idinirek ni Elwood Perez.
Kauuwi lang niya ng Pilipinas nitong Nobyembre 24, Lunes, dahil nag-alala siya sa kalagayan ng kanyang ina na itinakbo sa intensive care unit nang bumagsak ang blood pressure.
“’Yung nanay ko po, nag 60/20 ang BP niya nu’ng nakaraan. Nag-ICU siya pero thank God, she’s fine now, healthy and happy, I believe.
“Nagkamali po ng instructions doctor niyang una, ‘di siya pinapakain ng karne for eight years puro gulay lang po, nagpa-second opinion kami, sabi ng bagong doctor niya, kailangang kumain siya ng karne dahil kailangan ng katawan at magnghihina daw talaga tayo ‘pag wala nu’n.”
Abut-abot ang pasalamat ng binatang singer dahil buhay at malakas na ang nanay at pati tatay niya.
Nakakatuwang malaman na ang unang ipinundar ni Ronnie noong kaliwa’t kanan ang raket niya bilang runner–up sa Pinoy Dream Academy ay sariling bahay at lupa na iniregalo niya sa magulang.
Sa pitong taon ni Ronnie sa showbiz ay marami na siyang naipundar tulad ng bahay at lupa, sasakyan, at ang condo unit niya na malapit sa ABS-CBN at negosyo sa bayan nila sa Angeles, Pampanga.
Madalas siya sa Amerika dahil, “May business po ako sa Amerika, katulad ng business ko sa Pampanga, ‘yung investment ko nasa Amerika na rin, bahay at lupa,” kuwento ng binata.
Kailan niya planong mag-asawa?
“Mag-aasawa rin po ako pero I believe ‘di pa panahon. In due time kailangan ko po muna mag-ipon nang mag-ipon habang mainit pa,” magandang katwiran ng singer.
Parating kasama si Ronnie sa Annebisyosa shows ni Anne Curtis sa ibang bansa at ngayon naman ay si Sarah Geronimo. Utang daw niya sa nagpapatakbo ng career niya na sina Boss Vic del Rosario, Vincent del Rosario at Ms. Veronique del Rosario-Corpus ang kaliwa’t kanang shows niya sa iba’t ibang bansa.
Lunes dumating si Ronnie ng Pilipinas at Miyerkules ay muli siyang umalis kasama sina Sarah at Top Suzara.
“’Alis po kami ni Sarah ngayong hapon (November 26) para sa series of concert sa Middle East, November 28 Doha Qatar guest po ako sa concert ni Sarah titled Perfect 10 sa West End Park Amphitheater po ang venue. ’Tapos sa December 1 sa Hall 7 Dubai World Trade Center naman po ang venue at sa December 3 po ang balik namin ng Pilipinas.
“Second time ko na po sa Qatar, ‘yung first ko guest ako sa concert ni Anne Curtis. First time ko po sa Dubai kaya excited po ako at hindi ko akalain na matutupad ang pangarap ko na makapunta sa Middle East para mag-show at matupad ang pangarap na maka-duet ang Pop Star Princess.”
Pagdating uli sa bansa ng binatang singer ay magiging abala naman siya sa promo ng third album niyang Ronnie Liang Songs of Love produced ng Trex Productions at Universal Records na launching sa December 6, Sabado sa Fishers Mall .
“Sobrang nagpapasalamat po talaga ako sa Viva, Trex Productions at Universal Records sa tulong nila sa akin para maabot ko ang mga pangarap ko. Nu’ng una pangarap ko lang po mapasama sa movie maski na support or simple role lang pero naging lead actor ako sa Esoterika for Cinema One Originals Film Festival kaya sobrang saya talaga.
“At ang isa pang pangarap ko na gusto ko ring subukan ay mapasama po sa TV shows like teleserye.”
Sa Europe, Canada at Australia naman daw ang pinapangarap niyang marating.
“Libre lang mangarap, Reggee pero napapansin ko ‘pag nangangarap parang dasal na rin at sa tamang panahon dinidinig ng Maykapal,” sabi ni Ronnie sa amin.
Isa si Ronnie Liang sa pinakamababait at walang tinatapakang showbiz celebrity. Kaya naman siguro dinidinig ng Diyos ang mga panalangin niya.