Nais umanong matiyak ng Manila City government ang kaligtasan ni Pope Francis sa pagbisita nito sa lungsod sa Enero 15-19, 2015, kaya nagdeklara si Mayor Joseph Estrada ng apat na araw na holiday sa lungsod.
Batay sa Executive Order No. 75 series of 2014 na pinirmahan ni Mayor Estrada, kanselado ang pasok sa lahat ng paaralan sa lahat ng antas, pribado man o pampubliko, gayundin sa mga tanggapan ng gobyerno sa Maynila sa nasabing mga petsa.
Hindi naman kasali dito ang mga nagtatrabaho para sa peace and order maintenance, disaster and risk management, traffic enforcement, at health and sanitation.
Alinsunod sa itinerary ng Papa, kabilang sa mga bibisitahin nito ay ang Manila Cathedral, Quirino Grandstand sa Rizal Park, University of Santo Tomas (UST) at ang residente ng Papal Nuncio sa Maynila.
Tiniyak din ng alkalde na handa sila para sa pagbibigay ng seguridad sa Papa, gayundin sa may apat hanggang limang milyong mananampalataya, na inaasahang dadalo sa mga pagtitipon para sa papal visit, katuwang ang national government.
Sinabi rin ng alkalde na plano niyang hilingin sa Papa na basbasan ang lungsod upang mailigtas mula sa pagiging bangkarote nito.