MINUS ONE ● Ganito pa lamang kaaga, may nagpapaalala na sa kanilang mga nasasakupan ng mga panganib na dulot ng pagpapaputok sa pagdiriwan ng Bagong Taon. ayaw kasi ng mga lider sa lalawigan na kulang-kulang ang mga daliri ng kanilang mga nasasakupan. Minus one finger, minus two, minus three... Hindi kinakailangang salubingin ng putul-putol na daliri ang pagpasok ng amoy-pulburang 2015. Kaya naman sa Kalinga, partikular sa Tabuk City Oplan Iwas Paputok sa pakikipagtulungan ng Kalinga Provincial Police Office na may layuning maging ligtas ang publiko sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. ayon kay provincial Director S/Supt. Victor Wanchakan magsisimula ang implementasyon nito sa unang linggo ng Disyembre kasabay ng pagbebenta ng mga paputok. Lilibot ang kanilang grupo sa mga tindahan at establisimiyento upang maabisuhan sila na huwag ng magbenta dahil kanila itong huhulihin. Sinabi rin ni Wanchakan kung luses naman ang kanilang ibebenta ay kinakailanagn din umano silang kumuha ng permiso o security permit bago sila magbenta. Kampanya ito ng pulisya upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko. Ngayon, may babala na, ang lalabag ay parurusahan daw. Kaya gumamit na lang tayo ng minus one sa karaoke at magkantahan, hanggang pumutok ang ating lalamunan sa kabibirit.
***
MASILAYAN KA SANA ● Umaasa ang higit na nakararaming bilanggo sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa City na dadalawin sila ni Pope Francis pagdating nito sa bansa sa Enero. Ito’y sa kabila nang nailabas na ang official itinerary ni Pope Francis sa pagdalaw ito sa Pilipinas. ayon kay Fr. Bobby dela Cruz, ng restorative Justice Ministry ng archdiocese of Manila, umaasa pa rin ang mga bilanggo ng NBP, partikular ang nasa maximum security na magbibigay ng panahon si Pope Francis na masilip sila kahit sandali. May apat na araw ang Papa na mamamalagi sa bansa. Ilan sa mga piitang dinalaw ng Santo papa ang Cassano all’llonio sa Calabria Italy, at noong nakaraang Huwebes Santo ay hinugasan nito ang paa ng 12 bilanggo ng Casal del Marmo prison for minors sa roma. Naniniwala ako na magkakaroon siya ng pagkakataon na bumisita sa mga bilangguan sapagkat ito ang atas ng pananampalatayang Kristiyano.