Siniguro ng Pangulong Aquino na susuportahan ang pagsusulong ng batas na magtatakda ng paggamit ng P71-B coco levy fund.
“Ang nakikita ko nga pong pinakamagandang gawin ay ang bumuo ng isang batas. Sisiguruhin nitong tatawid sa mga susunod na salinlahi ang benepisyong dala ng coco levy fund,” sabi ng Pangulo sa 71 coco farmers mula sa Kilusang Magniniyug na nakipagdayalogo sa kanya sa Palasyo noong Miyerkules.
Ipinangako rin niya na hindi bababa sa P1.1 bilyon ang maidaragdag sa pondong ilalaan sa coconut industry kapag natuloy ang pagbebenta ng United Coconut Planters Bank (UCPB).
Kinuha ng pamahalaan ng UCPB matapos ang EDSA People Power 1 dahil itinatag ito nina Eduardo “Danding” Cojuangco at Maria Clara Lobregat gamit ang coco levy funds.
Inihayag din ng Pangulo na pinagaaralan na rin ng Palasyo ang paggawa ng isang executive order habang hinihintay na magkaroon ng batas sa paggamit ng coco levy funds.
Nilinaw ng Pangulo na ang coco levy fund ay bukod pa sa pondong inilalaan sa Philippine Coconut Authority (PCA), mula sa pambansang budget.
Pabor din si PNoy na tanging interest income mula sa coco levy fund ang gagamitin upang ang mga susunod na henerasyon ng mga magsasaka ay mapakinabangan din ito.
“Ang problema lang po, hangga’t wala pang hatol hinggil sa motion for partial reconsideration na ating nilatag para sa kasong COCOFED vs. Republic, at wala pang utos ang Korte Suprema hinggil sa nilatag nating motion for partial entry of judgment para sa kaso, hindi pa po tapos ang proseso, at hindi pa rin po natin maaaring gugulin ang perang dapat nakalaan sa industriya ng niyog,” anang Pangulo.