Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. NLEX VS. Alaska
7 p.m. San Miguel Beer VS. Meralco
Mapanatili ang kanilang kapit sa liderato ang kapwa tatangkain ng Alaska at San Miguel Beer sa dalawang magkahiwalay na laban ngayon sa pagpapatuloy ng elimination round ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Magkasalo sa pamumuno na hawak ang barahang 7-1 (panalo-talo), kapwa target ng dalawang koponan ang kanilang ikawalong panalo na magpapalakas sa kanilang tsansa para sa top two spots na may kaakibat na outright entry sa semifinal round.
Unang sasalang ang Aces sa ganap na alas-4:15 ng hapon kontra sa baguhang NLEX at kasunod naman ang Beermen sa ganap na alas-7:00 ng gabi kontra sa Meralco.
Nakabuwelta ang Aces mula sa nag-iisang pagkatalong nalasap sa kamay ng Barako Bull ng kanilang talunin ang Globalport sa larong idinaos sa Cagayan de Oro City noong nakaraang Sabado, 87-84.
Matapos namang matalo sa Aces noong nakaraang Nobyembre 5, nakaapat na sunod na panalo ang Beermen, ang pinakahuli ay noong nakaraang Nobyembre 25 laban sa Globalport, 95-69.
Sa panig naman ng Road Warriors, magsisikap itong muling makabalik sa winning track matapos mabigo sa nakaraan nilang laro sa kamay ng Rain or Shine, 93-95.
Gaya rin ng Road Warriors, siguradong papahirapan din nang husto ng Bolts ang Beermen dahil hindi ito papayag na madugtungan ang natamong huling kabiguan sa defending champion Purefoods Star, 74-77, noong nakaraang Nobyembre 23 sa Binian, Laguna.
Muli, inaasahang mangunguna para sa Aces ang pangunahin nila alas na si Calvin Abueva na nagposte ng 17 sa kanyang kabuuang 19 output sa second half upang giyahan ang kanilang koponan tungo sa panalo kontra sa Batang Pier sa laban nila sa Cagayan.
Para naman sa Beermen, tiyak namang sasandig sila sa reigning MVP na si Junemar Fajardo kabalikat ang dati ring league MVP na si Arwind Santos sa pagsabak nila laban sa Bolts.