Modernisasyon ang kailangan para masolusyunan ang lumalalang problema ng katiwalian sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

Ito ang nakikita ng Department of Justice (DoJ) at Bureau of Corrections (BuCor) kaya sa halip na makontrol ang iregularidad at ilegal na operasyon ng mga pasaway na preso sa NBP ay lumalala pa ito.

Una nang inamin ni Justice Secretary Leila de Lima na patuloy ang ilegal na operasyon sa droga ng ilang inmates sa loob bukod pa sa nakakapasok na mga kontrabando at baril.

Kaugnay nito, hinimay ni BuCor Director Franklin Jesus Bucayu ang mga butas at bulok sa sistema ngayon sa Bilibid na may 21,800 inmates.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ipinunto ni Bucayu na hindi na pasok sa standard ang pasilidad ng NBP, na dapat ay kuwatro-kanto at de-rehas na selda ay isang komunidad o “four walled town.”

Sinabi rin na lubha nang matagal ang gusali ng NBP dahil 1935 pa ito itinayo at napabayaan na rin ang pasilidad ng gobyerno.

Pahayag naman ni Justice Undersecretary Francisco Baraan, hindi naiiwasang ma-recruit ang ilan sa mga sa ilegal na gawain dahil halo-halo ang mga preso.

“Ang pinaka-istratehiya ng prison facility is about classification and segregation, para maging maayos ang sistema,” paliwanag ni Bucayo.

Inisa-isa ni Bucayu ang tatlong paraan kaya nakalulusot ang mga iligal ay dahil sa mismong mga nagbabantay, mga bisita, at support system.

Sa sistemang ito, itinuturing nina Baraan at Bucayo na butas ang sistema ngayon sa BuCor dahil din sa mababang suweldo sa mga prison guard, na simula lamang sa halagang P12,000.