Tatlong matinding laro ang masasaksihan ngayon sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na iprinisinta ng Asics, tampok ang krusyal na dalawang semifinals sa women’s division at ang knockout game para sa titulo ng men’s division sa Cuneta Astrodome.

Unang sasagupa para sa isang silya sa kampeonato sa women’s division ang nanguna sa eliminasyon na Petron Blaze Spikers sa pagharap sa Cignal HD Spikers sa ganap na alas-2:00 ng hapon bago sundan ng paluan sa pagitan ng Generika Life Savers at RC Cola-Air Force Raiders sa alas-4:00 ng hapon.

Lalarga naman sa ikatlong laro sa ganap na alas-6:00 ng gabi ang salpukan sa pagitan ng 2-time champion PLDT Telpad-Air Force at ang karibal nito na Cignal na mag-aagawan sa korona ng men’s division sa inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core kasama ang Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports.

Bitbit ang ilang miyembro ng pambansang koponan na lumahok sa AVC Men’s Club Championship na isinagawa sa bansa, winalis ng Turbo Boosters ang lahat ng kanilang laro sa eliminasyon upang itala ang 17 sunod na panalo. Pilit ng koponan na patungan pa ng isa pang korona upang sementuhan ang kanilang dominasyon sa liga.

National

‘Nika’ lumakas pa, itinaas na sa ‘severe tropical storm’

Inaasahang bibitbitin ni 2014 All Filipino Conference MVP Alnakran Abdilla, Ron Jay Galang, JP Torres, Kheeno Franco at Jayson Ramos ang PLDT Telpad habang aasa ang Cignal HD Spikers kina Jay dela Cruz, Dexter Clamor at dating San Beda ace Gilbert Ablan.

Huling bumangon sa kabiguan ang HD Spikers matapos na umahon sa 1-2 pagkakaiwan kontra sa Cavite Patriots at agawin ang silya tungo sa kampeonato, 23-25, 25-18, 31-33, 25-16, 15-6. Gayunman, nakatuon ang pansin sa Petron at Generika na inaasahang magkakatapat sa do-or-die finals sa Linggo matapos ang ipinakitang matinding pagtatapos sa ikalawang round ng eliminasyon.

Bitbit sina dating Miss USA Oregon Alaina Bergsma at Brazilian setter Erica Adachi sa opensiba, tinapos ng Blaze Spikers ang labanan sa pinakamagandang 8-2 (panalo-talo) karta habang itinala naman ng Life Savers ang ikalima nilang sunod na panalo upang agawin ang ikalawang silya na taglay ang 7-3 karta.

Huling nabigo ang Petron sa loob ng apat na set kontra sa Generika, 25-18, 12-25, 25-18, 11-15 sa pagtatapos ng eliminasyon noong Miyerkules sa Biñan, Laguna bagamat hindi na mahalaga ang resulta matapos na kapwa masiguro ng dalawang koponan ang kanilang silya sa semifinals.

“Our previous game was all about experimentation and trying out new combinations on the floor,” sinabi ni Petron coach George Pascua. “Our focus is now on the semifinals. We are planning to go there armed with a positive attitude and wellrested bodies.”

Gayunman, inamin ni Pascua na hindi basta na lamang kalaban ang Cignal lalo pa at ang American reinforcement na si Lindsay Stalzer ay inaasahang magpapakitang gilas matapos na hindi makapaglaro sa huli nitong laban kontra sa Foton dahil sa kanyang injury sa kaliwang hita.

“I’m feeling good now,” sabi ng magandang hitter na mula sa Bradley University. “The coaches opted to sit me out because my left thigh was hurting during our game against Foton. But I’m all good. And I’m ready to play in the semifinals.”

Nangangamba rin si Generika assistant coach Benson Bocboc sa pagsagupa nila sa RC Cola-Air Force na kumpleto ang komposisyon sa opensiba sa pangunguna nina Maika Ortiz, Iari Yongco, Joy Cases at mga reinforcement na sina Bonita Wise at Emily Brown.

“They have so many weapons,” pahayag ni Bocboc. “We have to figure out how to step them for us to go far.”