Inihayag ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na bukas siya sa panukalang kumuha ng standard bearer ng administrasyon na hindi miyembro ng Liberal Party para sa 2016 elections.
“Definitely (I’m open to that),” sinabi ni Belmonte sa panayam. Dahil dito, isinusulong ni Belmonte ang proseso ng “consensus-building” mula sa mga kaalyado ng LP matapos ihayag ni Pangulong Aquino na bukas siya sa pakikipag-kowalisyon ng partido ng administrasyon sa ibang grupong pulitikal.
Puntirya ng LP ang pakikialyado sa Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at National Unity Party (NUP).
“Sa totoo lang, maraming usapan tungkol sa consensus-building. Bilang speaker nitong Kamara at vice chairman ng LP, at dahil consensus sa LP at kaalyado nito ang pinaguusapan, dapat nating tingnan ang hanay ng ibang partido –NPC, NUP at NP. Hindi lang dapat isa o dalawang grupo,” payahag ni Belmonte.
Sinuportahan ng lider ng Kamara ang suhestiyon ng dalawang LP congressman – Caloocan City Rep. Egay Erice at Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento na dapat buksan ng LP ang pinto nito para sa mga “outsider” kung sakaling walang malakas na pambato ang administrasyon para sa 2016.
Naniniwala si Belmonte na matibay ang alyansa ng LP sa ibang partido pulitikal.
Nangangamba ang mga LP stalwart sisipa sa satisfaction rating ang sino mang mapipili ng administrasyon bilang standard bearer dahil patuloy umano ang pagbaba sa survey standings si Vice President Jejomar C. Binay dahil sa kaliwa’t kanang alegasyon ng katiwalian laban sa kanya. (Ellson A. Quismorio)