Ipinakilala na kahapon ng Metropolitan Manila Develoment Authority (MMDA) ang binuong Task Force Phantom, isang elite team na magbibigay ng seguridad kay Pope Francis at kanyang delegasyon sa pagbisita nito sa Pilipinas, partikular sa Leyte, sa Enero 15 hanggang 19, 2015.
Ayon kay MMDA chairman Francis Tolentino, bukod sa papal visit, magsisilbi rin ang TF Phantom sa security contingent ng malalaking events gaya ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa 2015 at pagbabantay sa mga VIP na bibisita sa bansa.
Nilinaw ni Tolentino na regular na trabaho rin ng nabanggit na elite team ang panghuhuli ng mga colorum na pampublikong sasakyan sa mga lansangan sa Metro Manila partikular sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) simula kahapon.
Sinabi ng MMDA chief, ang TF Phantom ay binubuo ng 15 traffic constables mula sa MMDA at 15 miyembro ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), na pawang may bagong uniporme at motorsiklo ang mga kasapi ng task force.
Sumabak sa mahigit isang buwang matinding security at traffic management training ang mga kasapi ng TF Phantom.