Pinalagan ni Senator Ferdinand Marcos Jr, ang P12.9 bilyon na inilalaan para sa patubig at low cost housing sa panukalang budget ng Department of Interior and Local Government (DILG). Ang alokasyon ay nagmula sa Department of Budget and Management (DBM) na isinalang sa plenaryo ng Senado.
Ayon kay Marcos, wala sa mandato ng DILG na gumawa ng mga bahay at pangasiwaan ang mga patubig.
Iginiit ni Marcos na ang pabahay ay tungkulin ng National Housing Authority (NHA) habang ang patubig naman ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Local Water Utilities Administration (LWUA) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kinuwestyon din ni Marcos ang P3.143 bilyon budget ng DILG sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) at iginiit na dapat na ilipat ito sa DPWH.
“He has no technical expertise on water supply or administering low cost houses. The DILG chief has no technical expertise in low-cost housing, and even if he has, that is not his mandate. That is the responsibility of the National Housing Authority,” pahayag ni Marcos na ang tinutukoy ay si DILG Secretary Mar Roxas.