Pinaigting ng militar ang puwersa nito sa Mindanao bilang pagpapalakas ng nagpapatuloy na law enforcement operations laban sa iniuugnay sa Al Qaida na Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon kay Maj. Rosa Ma. Crista Manuel, information officer ng Army Artillery Regiment (AAR) na nakabase sa Fort Magsaysay, pinakilos na ang 8th Field Artillery Battalion (8FAB) patungong ZamBaSulTa (Zamboanga, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi) noong Nobyembre 23 upang magbigay ng suporta sa mga hukbong may aktibong operasyon.

Ang 8FAB ay na-activate noong Oktubre 16 bilang pansamantalang 105mm artillery battalion upang magbigay ng utos at kontrol sa tatlong batteries na kasalukuyang nasa Basilan at Sulu.

Itinalaga ni Brig. Gen. Leandro A. Loyao III, regiment commander ng AAR, si Lt. Col. Jeffrey Cabansay bilang 8FAB Commander.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, limang miyembro ng Abu Sayyaf ang napatay at isa pang terrorist camp ang nakubkob sa pagpapatuloy ng law enforcement operations sa Basilan.

Ayon kay Col. Roland Bautista, commander ng 104th Brigade ng Army, ang mga tropa ng 64th Infantry Battalion (IB) ay nagsasagawa ng mga operasyon sa Barangay Baiwas sa Sumisip dakong 7:50 ng umaga noong Nobyembre 23 nang makaengkuwentro nila ang grupo ng may 30 kasapi ng ASG.

Tumagal ng mahigit dalawa at kalahating oras ang sagupaan, aniya.

Isang ulat mula sa Western Mindanao Command (Wemincom) ang nagsasaad na limang miyembro ng ASG ang napatay sa engkuwentro.

Sinabi rin ni Bautista na ipinahiwatig din ng iba pang mga ulat na ang mga bandido ay nakitang may hila-hilang mga bangkay.

Wala namang nasugatan o namatay mula sa panig ng gobyerno. (Elena L. Aben)