May basbas ng Philippine Olympic Committee (POC) ang eleksiyon na isinagawa ng Philippine Volleyball Federation para sa pagluluklok ng mga mga bagong opisyales sa kanilang pag-aasam na ibalik ang kaayusan sa organisasyon at palawakin ang programa sa volleyball sa bansa.

Napag-alaman sa isang mapagkakatiwalaang source na mismong ang POC ang nag-utos na ipatawag ang isang special board meeting noong Linggo sa executive room ng Cantada Sports Center sa Taguig City kung saan ay isinagawa ang pagpupuno sa mga bakanteng posisyon na natuloy sa eleksyon.

“There were representatives from the POC,” sabi ng source na isa sa inimbitahan sa pulong. “May mga previous communications din sa POC about the election dahil matagal na iniutos na magsagawa ng eleksiyon pero hindi nila naisasakatuparan,” sabi ng source.

Napagdesisyunan sa nasabing pulong ang pagpuno sa mga nabakanteng posisyon sa pilit na bubuhayin na PVF Board of Directors at susundan ng eleksiyon ng mga importanteng posisyon ng mga magsisilbi lamang hanggang sa pagsasagawa ng General Assembly at eleksiyon sa Pebrero 2015.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Iniluklok si Edgardo “Boy” Cantada bilang bagong chairman ng anim kataong board habang makakasama nito sina Minerva Dulce Pante, Victor Abalos, Artagnan Yambao at Virginia de Jesus. Si Yambao ay naappoint bilang vice president habang si Pante ay itinakda treasurer habang si Gerard Cantada ang acting secretary general.

Dumalo din sa special meeting si Gener Dungo na matatandaang napuwersa na ideklara na president-on-leave matapos na halos mapatalsik sa asosasyon.

Gayunman, ipinaliwanag ng kasalukuyang PVF Board, partikular sa itinalagang interim president na si Karl Geoffrey Chan, na wala silang nalalaman sa biglaang eleksiyon ng mga dating opisyales ng asosasyon.

“I never had any idea of their agenda nor was I ever consulted of that meeting. We are now taking steps to address this issue. We will issue a full statement in the coming days,” sabi ni Chan, na kagagaling lamang sa pagdalo sa FIVB World Congress na isinagawa sa Italy.

Ipinaliwanag ni Chan na una nang nagkasundo ang mga volleyball stakeholder sa bansa na buuin ang isang pansamantalang interim board sa harap mismo ni Shanrit Wongprasert, Executive Vice president of the Asian Volleyball Confederation (AVC) for the Southeast Asian Zone, noong Hulyo 5 sa Wack-Wack Golf and Country Club.

Ito ay matapos na magtungo sa bansa si Wongprasert upang maging panauhing pandangal sa pagbubukas ng Philippine Super Liga, ang unang club volleyball league sa bansa, kung saan nakipagpulong na rin ito sa mga opisyales ng PVF upang ayusin at muling buhayin ang volleyball development sa Pilipinas.

Itinalaga dito bilang acting PVF President si Chan, na siyang dating vice-president. Ang tatayong Chairman ay si Phillip Ella Juico habang ang secretary general ay si Rustico “Otie” Camangian.

Iniupo din sina Dr. Ian Laurel bilang Board Member at In-charge sa Philippine National Teams gayundin si Cagayan Valley Mayor Criselda Antonio bilang Board of Director Member at Finance Director.

Si Ramon ”Tatz” Suzara, na siyang organizer ng Philippine Super Liga, ay isa sa Board of Director at In-Charge of International Affairs habnag si Yul Benosa ang Rules of the Games Commission Director at si Nestor Bello naman ang Referee’s Director.

Ang dating PAVA president na si Roger Banzuela ay isa rin sa Board of Director at siyang In-charge for Visayas and Mindanao habang si Gary Jamili ang Technical Director at si Shakey’s V-League president Ricky Palou naman ang Marketing Director.

Inatasan din ni Shanrit bilang mga In-charge of ammending and drafting ng bago nitong Constitution and By-laws sina Juico at Banzuela.