Nakaligtas sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia matapos patawarin sa nagawa nitong krimen ng pamilya ng kanyang napaslang na biktima, inihayag ni Vice President Jejomar C. Binay kahapon.
Pinamamadali ni Binay sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa paglalabas ng kinakailangang blood money ni OFW Jonard Langamin upang makapagdiwang ito ng Pasko kasama ang kanyang pamilya.
Kasalukuyang nakakulong si Langamin sa Dammam Reformatory Jail.
“Nananawagan po ako sa Department of Foreign Affairs na asikasuhing mabuti ang pagbayad ng blood money ni Jonard. Napakagandang regalo po ito sa ating kababayan na makapiling ang kanyang pamilya ngayong kapaskuhan,” sabi ni Binay.
Ayon pa sa Vice President, dapat munang mabayaran ni Langamin ang blood money na hiniling ng pamilya ng biktima.
Kapag naibigay ang naturang halaga sa pamilya ng biktima saka lamang magtatakda ng mabilisang pagdinig si Dammam High Court Judge Sheikh Ahmad Najmi Al Otaibe para isara sa aspetong karapatang pampubliko ng nasabing kaso at maglabas ng desisyon sa agarang deportasyon ni Langamin.
Si Langamin ay isang seaman na nahatulan ng kasong murder sa Dammam High Court sa Saudi Arabia dahil sa pagpatay sa kapwa Pinoy na si Robertson Mendoza noong 2008.
Unang humingi ang pamilya Mendoza ng P5 milyon bilang blood money ngunit naibaba ito sa P2 milyon matapos pagkasunduin ni Binay ang dalawang pamilya sa kanilang paghaharap sa Coconut Palace sa Pasay City.