Babasagin ng Le Tour de Filipinas ang ilang dekadang tradisyon tuwing summer, ngunit magbabalik sa pamilyar at makasaysayang yugto sa pagdaraos ng ikaanim na edisyon nito sa 2015 na magsisilbing highlight ng 60 taon ng Tour sa bansa.

Mula sa tradisyunal na Abril o Mayo na iskedyul na nagluklok sa Tour bilang summer sports spectacle on wheels ng bansa sa loob ng dalawang henerasyon, ang 2015 LtDF ay sisikad sa Pebrero 1 at magtatapos sa Pebrero 4 muli sa ituktok ng Cordilleras sa Burnham Park sa Baguio City.

Ngunit sa pagkakataong ito, ang inaasahang 75 riders mula sa 15 koponan ay sasamahan ng continental at international squads at clubs na susubuking pagwagian ang Kennon Road – isang maikli ngunit mapanlinlang na 18-km na pag-akyat na pinagmulan ng maraming kuwento sa kasaysayan ng Philippine cycling.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“We are going back to the Tour’s signature stage that frustrated numerous pretenders but paved pedestals for dozens of champions who have gone down history as our heroes on two wheels,” saad ni LtDF chairman Alberto Lina.

“This is aptly a celebration of the Tour’s 60th anniversary and all these cyclists—both local and foreign— deserve a chance to etch their names in diamond,” dagdag ni Lina, na siya ring chairman at president ng Air21, ang nangungunang logistics company na naging susi sa pagkabuhay ng Tour may 12 taon na ang nakararaan.

Ang Stage One sa Pebrero 1 ay isang out-and-back na 1260km Balanga-Balanga ride sa kabundukan ng Bataan na kilala bilang lugar ng madugong labanan noong World War II. Sa Pebrero 2, sisikad ang mga rider mula Balanga hanggang sa Iba, ang kabisera ng Zambales, at inaasahan ang sprinters na madadalian sa 153.75-km ruta.

Magiging magaan din ang Stage 3 sa Pebrero 3 sa 149.34-km race mula Iba hanggang sa isa pang kabisera, ang Lingayen, sa Pangasinan na babatiin naman ng pristine beaches ng West Philippine Sea ang mga siklista.

Pagdating ng Pebrero 4, ang mga bida ay magpepedal mula Lingayen sa mga patag na kalsada ng Pangasinan at La Union bago suungin ang hamon ng Cordilleras sa Kennon Road, isang ruta na may habang 101 kilometro.

Itinaon ng International Cycling Union (UCI), ang world governing body ng cycling, ang LtDF sa Pebrero upang umayon sa kalendaryo ng Asian Tour.

Ang Tour ay unang naganap noong 1954 sa pamamagitan ng Manila-Vigan race at ang yumaong si Antonio Arzala ang tinanghal na inaugural champion.