Ni FREDDIE C. VELEZ

SAN RAFAEL, Bulacan – Isang 46-anyos na lalaki na sinasabing isang big-time drug pusher sa lalawigan ang binaril at napatay ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa Barangay Pinacpinacan kahapon ng umaga.

Kinilala ni Senior Supt. Ferdinand Divina, direktor ng Bulacan Police Provincial Office, ang napatay na si Noel Castro, alyas Tasyo, 46, may asawa, ng Bgy. Pansumaloc.

Ayon sa inisyal na report ng pulisya, si Castro ay binaril at napatay ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa Bgy. Pinacpinacan.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sinabi ni PO2 Gerardo Cruz na si Castro ay binansagang isang kilabot na drug pusher sa Bulacan at kabilang sa “Top Ten Target List” ng San Rafael Police.

Kaugnay nito, nangangamba naman ang mga residente na sumiklab ang labanan ng mga grupong nagbebenta ng ilegal na droga sa lugar.

Tinitingnan na ng pulisya ang posibilidad ng onsehan sa droga o labanan ng mga grupo ng kriminal na motibo sa pagpatay.

Samantala, sinabi naman ng ilang sources na malaki talaga ang posibilidad ng paglalaban ng mga criminal gang sa hilaga-silangang Bulacan.

Sinabi rin ng source na isang dating alkalde sa hilagang Bulacan ang ngayon ay pinuno ng isang grupong gun-for-hire na iniuugnay sa kilabot na “Osamiz Group.”

Dagdag pa ng source, dinala sa probinsiya ng dating alkalde ang ilang grupong kriminal mula sa Southern Tagalog na sangkot sa kidnapping, robbery hold-up, drug trafficking at iba pang krimen para lumikom ng pondong gagamitin sa eleksiyon sa 2016.