Isang palaboy na matandang babae ang hinuli ng aming mga barangay tanod sapagkat inirereklamo ito ng ilang residente sa pangangalkal ng basura halos gabi-gabi. Kumakalat tuloy sa kalye ang mga nahalukay ng naturang gusgusing babae sa pagsisikap nitong makahanap ng makakain. Dinampot ng mga tanod ang babae at dinala sa barangay hall upang alamin ang pagkakakilanlan nito at ihatid sa pamilya. Ngunit hindi naman maintindihan ang babae sapagkat napag-alaman kalaunan na galing pala ito sa malayong probinsiya.

Isang volunteer ang nais magpakita na hindi pa huli ang lahat para sa babaeng ito. Intensiyon niyang dalhin ang palaboy sa isang reception and action center kung saan tungkulin ng mga tauhan nito ang malilinisan, mabibihisan, magagamot, ang sinumang idudulog sa kanila ng mga awtoridad. At malamang na maihatid sa pamilya. Ngunit sa nakatatakot na hitsura at masangsang na amoy ng babae, nag-atubili siya. Iniurong niya ang kanyang pakay. Kinabukasan sa kanyang pagbabalik sa barangay hall, nakita niya ang babae na nakaupo sa isang sulok, tahimik na lumuluha. Sa pamamagitan ng isang kasamang magaling sa mga dialekto, nalaman ng voluteer ang paghahangad ng babae na makabalik sa kanyang pamilya. Napuno siya ng awa para sa babae at inihatid niya ito sa reception and action center. Kalaunan, nang malaman ng volunteer na nakarating na ang babae sa pamilya nito, naginhawahan ang kanyang puso. Totoong malaki ang papuri niya sa Diyos.

Minamahal tayo ng Diyos hindi dahil kaibig-ibig tayo kundi dahil iyon ay Kanyang biyaya. Malaya nating tinatanggap ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ni Jesus na ating Tagapagligtas, kahit hindi tayo karapat-dapat sa pagmamahal na iyon sapagkat makasalanan tayo. Kailangang makita sa atin bilang mga Kristiyano ang pagmamahal na iyon mula sa Diyos kaya nga dapat din nating ipakita iyon sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagdamay, pagkalinga, pagtulong, at pagmamalasakit lalo na sa mga mahirap mahalin.

Maraming paraan upang ipakita sa iyong kapwa ang pagmamahal sa iyo ng Diyos at isa na roon ang pagmamahal mo sa iyong kapwa. Maaakit mo rin ang iba upang gumawa ng kabutihan lalo na sa mga kapus-palad.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte