Pinasasampahan ng kasong graft ng tanggapan ng Ombudsman si dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairman Camilo Sabio dahil sa tangkang pag-impluwensiya sa kanyang kapatid na si Court of Appeals (CA) Associate Justice Jose L. Sabio, Jr. para maisalba sa kaso ang isang partido na nakabimbin sa CA.
Sa ipinalabas na Joint Resolution, sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na siya ay nakakita ng probable cause para maidiin si Chairman Sabio sa dalawang counts ng paglabag sa Section 3(a) ng Republic Act No. 3019 (Anti Graft and Corrupt Practices Act) at sa paglabag sa Article 243 ng Revised Penal Code (RPC).
Nabatid na noong May 30, 2008, si Justice Sabio ay tumanggap ng tawag sa kanyang kapatid na si Chairman Sabio na nagsabi sa kanya na isa ito sa mga pinangalanan bilang miyembro ng CA kung saan dito nai-raffle ang MERALCO-GSIS case .
Kinumbinsi umano ni Chairman Sabio si Justice Sabio na tulungan at ipaglaban ang kaso ng GSIS dahil ito ay tumutulong sa kapakanan ng mga mahihirap na mamamayan.
Nalaman na si Chairman Sabio ay tumanggap ng tawag mula sa GSIS Board Member Atty. Jesus Santos at sinasabi dito na ang MERALCO-GSIS case ay nai-raffle sa dibisyon ni Justice Sabio. Nakiusap daw si Atty. Santos kay Chairman Sabio na kumbinsihin si Justice Sabio na huwag magpalabas ng TRO pabor sa Meralco tungkol sa kasong ito.
Hindi nakasama sa sinampahan ng kaso hinggil dito si Justice Sabio dahil hindi nakita ng Ombudsman na ito ay naimpluwensiyahan ng kanyang nakatatandang kapatid.