Iniuwi ng Baguio City National High School ang titulo sa ginanap na PSC Pinay National Volleyball League Luzon leg na isinagawa noong Nobyembre 19 hanggang 22 sa Baguio City National High School Gym.
Binigo ng BCNHS sa matira-matibay na limang set na labanan ang University of the Cordilleras para iuwi ang korona ng torneo na para sa edad-18 pababa na torneo na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) Women In Sports at sa ilalim ng Sports For All program sa ilalim ni PSC Commissioner Gillian Akiko Thomson-Guevarra.
Tinanghal na Most Valuable Player si Mary Ann Atuban ng BCNHS-SPS habang Best Attacker si China Tannagan ng BCNHS-SPS. Ang Best Blocker ay si Cherelyn Sabado ng BSU habang Best Setter si Rachelle Ballesteros ng BCNHS-SPS.
Ang Best Server ay si Irylle Gawageo habang Best Receiver si Jingle Egid ng UC. Ang Best Libero ay si Mary Ann Alerta mula naman sa BCNHS-SPS.
Ipinaliwanag ni Alano na una nang isinasagawa ang Mindanao at Visayas leg ng PSC Pinay National Volleyball League na isa sa mga proyekto na nasa ilalim ng Women In Sports at Sports for All program ng ahensiya.
“The PSC plans to staged a whole Mindanao, Visayas ang Luzon leg of the tournament whereas the champions will gather and meet in the National Finals,” sabi ni Alano. “Magkakaroon tayo ng best of the best na finals,” sabi nito.
Hinati sa apat na grupo ang mga kalahok kung saan kabilang sa Group A ang BCNHS Academy, Kings College of the Philippines at ang Rizal National High School habang magkakasama sa Group B ang BCNHS-SPS, Phases Learning Center at Saint Loius Pacdal.
Magkakasama sa Group C ang University of the Cordilleras, Baguio Central University at Doña Aurora National High School habang nasa Group D ang University of the Cordilleras High School, Benguet State University at ang Pines City National High School.