Nash at Alexa sa 'Bagito'

ANG ganda-ganda ng ngiti ng Dreamscape Entertainment unit head na si Sir Deo Endrinal nang makita at makausap namin sa presscon ng “The Gift Giver,” ang unang episode ng Give Love On Christmas serye. Ang dahilan, ang napakataas na ratings ng Bagito ni Nash Aguas na umabot sa 27%.

Binanggit namin kay Sir Deo ang dulot ng seryeng Bagito sa mga bagets na nakakapanood nito dahil ‘yung nakakuwentuhan naming tatay ay may napansin na raw na kakaiba sa anak niya na dati’y walang muwang pagdating sa crush at kilig-kilig, ngayon daw ay nagkukulong na sa kuwarto at pakiramdam niya ay may ginagawang kakaiba.

Hindi kaya nakakasama ang Bagito sa napakaagang oras nito dahil napapanood ng mga kasing-edad ni Nash?

Atty. Luke Espiritu, binigyan ng bokyang grado si PBBM

Maganda ang paliwanag ng business unit head, “Eh, hindi nagagabayan nang tama ng mga magulang ang mga anak nila. Nasaan sila? Sila dapat ‘yun, hindi ang Bagito.”

“Awareness nga ito para sa mga estudyante para malaman nila ang tama at mali. Ngayon kung nagagabayan sila nang tama ng magulang nila, makakaiwas sila. Gusto naming mapanood ito ng mga magulang, Simbahan, lahat ng sector, para alam nila.

“Hindi namin ito ipinalabas para lang mapag-usapan o magkaroon lang ng programa, may moral values ito para sa mga bata.”

Sabagay, napapanahon makatotohanan ang tema ng Bagito na nangyayari sa kasalukuyan dahil lalong tumataas ang bilang ng maagang napapasabak sa pag-aasawa dahil sa kapusukan o impluwensiya ng barkada at higit sa lahat, kapabayaan ng mga magulang dahil busy sa trabaho.

Anyway, timing ang project na Bagito kina Nash at Alexa Ilacad kumpara sa unang planong Inday Bote na mga unang pinagbidahan sa pelikula nina Maricel Soriano, William Martinez at Richard Gomez.

Paliwanag ni Sir Deo kung bakit hindi na itinuloy ang Inday Bote nina Nash at Alexa, “Eh, kasi hindi rin believable kasi sina Maricel at William that time, nagtatrabaho na at same age na.

“Eh, sina Nash at Alexa, mga bata pa, may maniniwala bang magtatrabaho na sila sa edad nila? Kaya tama lang na Bagito itong ibinigay namin sa kanila.”

Hindi pa binanggit sa amin ng Dreamscape boss ang gaganap sa Inday Bote, “Abangan n’yo na lang sa Martes (Dec 2) sa trade launch, ia-announce naman ‘yun, he-he-he,” sabi ni Sir Deo.