(Ikalawang Bahagi)

Sa Tacloban at ibang bahagi ng Leyte at karatig na mga isla ay patuloy nating nasasaksihan ang katatagan at diwa ng pakikipagbaka ng mga nakaligtas sa bagyong Yolanda, sa gitna ng nakahihindik na pinsala at pagkasawi ng marami dahil sa nasabing kalamidad noong Nobyembre 2013. isang taon na ang nakalipas nguni’t patuloy ang mga nakaligtas sa pagsisikap na maibalik sa normal ang kanilang buhay, habang pinipigilan ang pagtulo ng luha at pinaglalabanan ang pagsuko ng sarili sa pamimighati, sa pamamagitan ng pagbalik sa trabaho o paghanap ng hanapbuhay at ibang pagkakakitaan, at pagtatayong muli ng mga nawalang tahanan.

Totoong napakalaki ng hamong ito, nguni’t patuloy na pinatutunayan ng mga biktima ang katatagan at pag-asa ng mga Pilipino kahit sa harap ng pinakamalupit na kalamidad. Gaya ng tinalakay ko sa sinundang pitak, makagagaan sana sa dinadala ng mga biktima ang hamong ito kung nasuportahan sila ng malalaking negosyante sa pamamagitan ng pagpapanitili ng operasyon o paglulunsad ng mga proyekto na lilikha ng trabaho sa mga lugar na apektado ng bagyo, maging sa pagtatayo ng bahay (bukod sa libreng bahay na ipinamamahagi ng pamahalaan at ibang grupo). Maaaring sabihin ng ilang nakabasa sa aking pitak noong nakaraang linggo na madali ang magsalita nguni’t mahirap gumawa. Maaari ring nag-alinlangan ang iba na kaya kong gawin ang sinabi ko. Hindi ko ipinangalandakan ang mga ginawa ko pagkatapos ng bagyo, nguni’t sa pagkakataong ito ay ipinasya kong talakayin ito para patunayan na hindi ako puro salita lamang.

Ang Camella Homes, isa sa mga kumpanya sa ilalim ng Vista Land & Lifescapes, inc. ng Villar Group, ay may mga proyekto sa tacloban at Ormoc. Hindi man inabot ng daluyong bunga ng bagyo, ang malakas na hanging dala ng bagyong Yolanda ang sumira sa mga bubong ng maraming tahanan sa nasabing mga proyekto. Agad na kinumpuni ang mga iyon ng Camella Homes. Patuloy ring tumitingin ang aking grupo ng iba pang oportunidad upang mapasigla ang lokal na ekonomiya at makalikha ng maraming trabaho at mga negosyo. Sa ganitong paraan matutupad ang tunay na pagbangon, hindi lamang upang maibalik sa normal ang buhay ng mga nakaligtas sa bagyo, kundi upang magpatuloy ang pag-unlad ng kabuhayan ng kanilang bayan.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

(Durugtungan)