Bong Revilla

MAY bahid ng lungkot ang dapat sana’y napakasayang 7th birthday celebration ni Cassandra, panganay na anak nina Andrea “Andeng” Bautista at Antipolo Mayor Jun Ynarez na ginanap noong Sabado. Wala kasi ang favorite tito niya, si Sen. Bong Revilla na limang buwan nang nakapiit sa Camp Crame.

Para kasi sa mga Revilla, napakaimportanteng okasyon ng pagsapit ng kanilang kaanak sa 7th birthday. Magpi-pray na lang daw si Cassandra na sa susunod niyang birthday ay present na ang kanyang Tito Bong, ganoon din ang kanyang ninong na si Sen. Jinggoy Estrada. Dapat kasi’y hindi lamang mommy ng kinakapatid niyang si Jill ang kasama kundi ang daddy din nitong si Sen. Jinggoy.

Pampamilya ang araw na iyon, kaya hindi present ang movie press at mga kaibigang pulitiko ng pamilya Revilla. ‘Buti na lang at may palabas ang Frozen characters na kahit paano’y nakatighaw ng lungkot ng classmates at pamilya ni Cassandra.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Nang minsan naming makahuntahan sa kanyang kinaroroonan, hindi namin maiwasang itanong kung ano ang ginagawa ni Sen. Bong habang nasa loob ng custodial center.

“Natuto akong magbasa ng iba’t ibang klase ng libro,” simple niyang sagot.

Napakarami raw niyang natutuhan tungkol sa tamang pagharap sa krisis na dumarating sa buhay ng tao, sa pamamagitan ng motivational at inspirational books na sunud-sunod at tila ‘di niya mabitiwan sa pagbasa.

“Lahat ng tao dumaraan sa kani-kanilang pagsubok. Kasama sa buhay ‘yan. Ang importante ay kung paano mo haharapin ang mga pagsubok na ‘yan,” sabi ni Bong. “Nasa tao na ‘yan kung siya ay susuko at magpapatalo sa masasakit na salita at panghuhusga, o yakapin ito nang buung-buo para lalong tumibay at bumangon.”

Nagbabasa rin si Bong ng mga libro tungkol sa magagaling na pinuno sa kasaysayan, at ang iba-ibang paraan ng pamumuno sa mga mamamayan.

“Mas madali ko kasing naintindihan ang kasalukuyan kong kalagayan matapos basahin ang mga pinagdadaanan ng iba. Sa buong kasaysayan, talagang makikita ang bangaan ng katotohanan at kasinungalingan, at ang mga sakripisyo ng iba para ipaglaban ang katotohanan.”

Bukod sa pagbabasa, sinisikap ni Bong na panatilihin ang kanyang kalusugan sa pamamagitan ng workout at pag-eensayo. Napilitan si Sen. Bong na sundin ang rekomendasyon ng kanyang doctor na magpatingin sa ospital dahil sa dumadalas at lumalalang pananakit ng ulo at alta-presyon.

“Mapilit ‘yung mga doctor ko. Nag-aalala sila dahil sa ulo raw ‘yung iniinda ko. Kung ako nga lang ang masusunod, sabi ko, huwag na, kaya lang, eh, kailangan daw,“ kuwento ni Bong.

Pinasinungalingan niya ang sinabi ng Ombudsman na nais daw niyang magpa-hospital arrest.

“Espekulasyon lang nila ‘yun. Natatakot sila sa multong sila mismo ang gumagawa. Wala naman du’n sa motion namin ‘yang hospital arrest. Sabi ko nga, kung ako lang ang masusunod, sabi ko huwag nang magpatingin,” ani Bong.

Samantala, nananatiling positibo ang pananaw ni Bong sa itinatakbo ng kanyang petition for bail na inaasahang matatapos bago pa mag-Bagong Taon. Ayon sa kanya, maganda naman ang naging pagtanggap ng mga hukom sa kanilang mga argumento at kumpiyansa siya na sa tamang panahon ay mangingibabaw ang katotohanan at malilinis ang kanyang pangalan.