Mga laro ngayon: (Alonte Sports Arena-Binan, Laguna)

2pm -- Cignal vs Foton (W)

4pm -- Generika vs Petron (W)

6pm -- Maybank vs Cavite (M) (Battle for 3rd)

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hangad ng Cignal HD Spikers na maagaw ang ikatlong puwesto habang asam naman ng Generika Life Savers na patunayan sa sarili na marami pa silang mailalabas na kakayahan sa tatlong matitinding laro patungo sa semifinals ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na iprinisinta ng Asics sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna.

Sasagupain ng HD Spikers ang wala nang tsansa sa kampeonato na Foton Tornadoes sa ganap na alas-2:00 ng hapon habang magkakasukatan nang lakas ang nangungunang Petron Blaze Spikers at nagpapakita ng kalidad na Generika sa ganap na alas-4:00 ng hapon sa women’s division para sa prestihiyosong inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core kasama ang Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.

Pag-aagawan din ng baguhang Cavite Patriots-Fourbees at beteranong Maybank ang matira-matibay na salpukan para sa ikatlong puwesto sa pagkikita nila sa ganap na alas-6:00 ng gabi sa men’s division.

Hindi makakasama ng Generika ang head coach nila na si Ramil de Jesus bagamat hangad ng Life Savers na ituloy ang itinala nilang apat na sunod na panalo upang agawin ang solong ikalawang puwesto matapos na huling biguin ang RC Cola Raiders sa iskor na 25-15, 25-21, 15-25, 25-21.

“Our game against Petron will test not only their mental toughness but their whole character. Hindi porke pasok na kami sa top 4 ay puwede na kaming mag-relax. We want the game to gain as much possible advantage if ever we could meet them again,” sinabi ni De Jesus, na binitbit ang Life Savers sa 6-3 (panalo-talo) karta.

Anuman ang maging resulta ng laban sa pagitan ng Petron at Generika ay hindi na makakaapekto sa kanilang silya sa semifinals. Okupado ng Blaze Spikers ang unang puwesto na bitbit ang 8-1 karta at pumangalawa naman ang Life Savers.

Importante naman para sa Cignal HD Spikers ang unang laro kung saan ay kailangan nilang manalo kontra sa Foton Tornadoes upang makapantay sa kartada ang nasa ikatlong puwesto na RC Cola-Air Force na may 5-5 marka. Bitbit ng HD Spikers ang 4-5 marka.

Base naman sa format ng torneo ay ookupahan ng Blaze Spikers ang unang puwesto habang malalaglag ang Generika sa ikatlong puwesto dahil sa mas mababa ang ranking na dedetermina sa match point, bilang ng panalo, set quotient at points quotient.

Ookupahan ng RC Cola-Air Force (5-5) ang ikalawang puwesto habang ang Cignal (4-5) ang ikaapat anuman ang maging resulta ng laro nila kontra sa Foton.

Dahil sa istatistika ay sasagupain ng Petron ang Cignal habang muling magsasagupa ang RC Cola-Air Force at ang Generika sa sudden-death semifinal sa Biyernes. Ang dalawang magwawagi ay uusad sa kampeonato na gaganapin naman sa Linggo.

“Hindi madaling kalaban ang Foton. They have nothing to lose. Kailangan talaga na ibigay namin ang best namin para umangat ang standing namin at mas gumanda pa ang chances namin na makahabol sa finals,” sinabi ni Cignal coach Sammy Acaylar, na pinutol ang apat na sunod na kabiguan matapos biguin sa kontrobersiyal na laro ang RC Cola Air Force, 3-2 set, sa iskor na 23-25, 22-25, 25-21, 25-16, 16-14.

Aasahan ng HD Spikers sina import Sarah Ammerman at Lindsay Stalzer, kasama sina Abby Praca at Honey Royse Tubino upang umasa na muling makatuntong sa kampeonato.