Binawi kahapon ng Bureau of Immigration (BI) ang entry ban laban sa siyam na mamamahayag mula sa Hong Kong na kumumpronta kay Pangulong Benigno S. Aquino III sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bali, Indonesia noong nakaraang taon.

Hindi naman nagkomento si BI Commissioner Siegfred Mison sa mga ulat na plano ni Justice Secretary Leila De Lima na palitan siya ni Justice Undersecretary Jose Justiniano dahil sa kontrobersiyang idinulot ng pagba-blacklist niya sa mga dayuhang mamamahayag.

Ang nasabing blacklisting ay nagbunsod ng mga kilos-protesta mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabing hindi naging maganda at nagdulot pa ng takot sa mga lokal at dayuhang mamamahayag ang nasabing ban.

Ayon sa grupo, hindi maaaring ituring na banta sa isang bansa ang isang mamamahayag na nag-usisa ng maseselang tanong sa Pangulo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang nagrekomenda sa BI noong Hunyo na i-blacklist ang mga mamamahayag na Chinese dahil sa direktang pagtatanong kay Pangulong Aquino tungkol sa pagkamatay ng ilang taga-Hong Kong sa bus hostage crisis sa Quirino Grandstand noong 2010.

Binawi kahapon ng intelligence agency ang blacklist recommendation nito “since no untoward incident transpired during the President’s visit to China for the 26th APEC.”

“Upon evaluation of the NICA letter, the BI has deemed it proper to lift the blacklist order against the foreign nationals,” sinabi ng tagapagsalita ng BI na si Atty. Elaine Tan.

Dahil binawi na ang ban, sinabi ni Tan na malaya nang makapapasok sa Pilipinas bilang turista ang siyam na mamamahayag mula sa Hong Kong. - Jun Ramirez