Ang matagal nang naantalang pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon sa Malampaya Fund ay sa wakas makapagsisimula na, sa pag-aanunsiyo na idaraos ang unang public hearing sa Disyembre 1. Inilutang ang mga tanong tungkol sa Malampaya sa mga paunang pagdinig sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam noong 2013, nang iugnay si Janet Lim Napoles, ang umano’y sentro ng pork barrel scam, sa mga withdrawal sa Malampaya Fund kung saan nasimot ang may P900 milyon sa pamamagitan ng huwad na non-government organizations.

Nitong mga huling araw, nag-ulat ang mga pangunahing kontratista sa Malampaya gas field, ang Shell Philippines Exploration BV, na ang bahagi ng gobyerno ng Pilipinas sa kita ng Malampaya ay pumalo na sa $7.7 bilyon – mahigit P346 bilyon – mula nang simulan ang commercial operation nito noong 2001. Sinasagisag nito ang 60% ng kita na nakatadhana sa Oil and Gas Law ng bansa.

Kailangang madetermina muna sa Senate inquiry kung magkano mula sa P346 bilyon na ito ang nalalabi ngayon, anu-anong withdrawal ang ginawa, kung awtorisado ang mga ito. Sa ilalim ng orihinal na presidential decree na sumasaklaw sa operasyon ng Malampaya, dapat gamitin ang pondo sa pagpapaunlad ng energy resources lamang.

At pagkatapos, kailangang tingnan ng Senate inquiry ang koneksiyon ni Napoles, pati na ang sinabi nito sa isang affidavit na lumapit sa kanya si Ruby Tuason na may planong kumuha ng pondo mula sa Malacañang na umano’y para sa mga proyekto ng 97 mayor ngunit aktuwal para sa reelection campaigns noong 2010. Lumabas na ang pondo ay nagmula sa Malampaya Fund.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagtakda ang Senate Blue Ribbon Committe ng petsa para sa isang pagsisiyasat sa Malampaya Fund noong Mayo pa lamang ngunit ipinagpaliban ito ng chairman, si Sen. Teofisto Guingona III, dahil sa hindi mahagilap ang mga resource person. Isang pagdinig ang nakatakda noong Setyembre ang naipagpaliban uli sapagkat nasa abroad si Chairman Grace Pulido Tan ng Commission on Audit. Gayunman, pagkabalik nito sa bansa, tumestigo siya sa Senate Blue Ribbon subcommittee ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel na nag-iimbestiga sa mga paratang laban kay Vice President Jejomar C. Binay.

Inaasahan na, sa wakas, magsasagawa ang Senate Blue Ribbon Committee ng matagal nang pinakahihintay na pagsisiyasat sa Malampaya Fund, at huwag gamitin ang kawalan ni Ruby Tuason na matagal nang nasa abrtoad, bilang dahilan upang ipagpaliban pa ito. Ang kita sa Malampaya natural gas field – pati na ang buwis na ibinabayad natin na nagpupunta sa National Treasury – ay salapi ng bayan na kailangang protektahan mula sa may masasamang hangarin. Kaya inaasam natin ang pagsisimula ng pagsisiyasat ng Senado sa Disyembre 1.