Pinangunahan ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas ang paggagawad ng Medalya ng Sugatang Magiting kay PO3 Ariel Dobles, na nagpapagaling pa sa Butuan Doctors Hospital.
“Dahil ito sa pagpapakita ni Dobles ng katapangan at katapatan niya sa tungkulin matapos makipagbakbakan sa hindi pa nakikilalang armadong grupo sa Surigao noong Miyerkules ng hatinggabi (Nobyembre 19),” sabi ni Roxas sa pagdalaw sa Butuan City, Agusan del Norte kamakailan. “Talagang sinasaluduhan ko siya sa kanyang katatagan, katapangan, at sa kanyang pagiging tapat sa tungkulin.”
Ayon kay Police Regional Office-CARAGA Director Chief Supt. David Ombao, tumanggap ng impormasyon ang pulisya ng Surigao del Sur dakong 10:00 ng gabi na may armadong grupo sa Sitio Kampalan kaya nagpatrulya sina Dobles at PO1 Wilmer Sabling, na kapwa miyembro ng Special Action Force, pero hindi na nakaligtas sa sagupaan si Sabling.
Tiniyak naman ni Roxas sa pakikipag-usap nito kay Dobles na tutugunan ng gobyerno, partikular ng Philippine National Police (PNP) ang medikal na pangangailangan nito.
“Talagang tumagos doon sa buto ‘yung bala kaya nangangailangan ng mga dagdag na operasyon para makabalik siya sa normal o regular na paglalakad kaya talaga namang sasagutin ng gobyerno ang lahat ng kanyang pangangailangan,” paliwanag ni Roxas.
Naging saksi naman sa pagkilala ni Roxas kay Dobles sina Agusan del Norte Governor Angelica Rosedell Amante-Matba at Ombao.
Sinabi pa ni Roxas na umaasa siyang pamamarisan ng iba pang pulis ang kabayanihan nina Dobles at Sabling, alinsunod sa tawag ng tungkulin.