Dahil sa mabagal na pagkakamit ng hustisya, plano ni Atty. Harry Roque na sampahan ng kaso si Pangulong Benigno S. Aquino sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng Maguindanao massacre.

Desidido si Roque, abogado ng pamilya ng ilan sa mga biktima, na kasuhan si PNoy dahil sa mabagal na usad ng kaso at hindi pa rin pagpapapanagot sa mga pumaslang sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, noong Nobyembre 23, 2009.

Inihayag ni Roque na nakipagpulong na sila kay United Nations (UN) Special Rapporteur on Freedom of Expression David Kaye at kinatigan nito ang posisyon nilang may pananagutan ang Pangulo.

Sinabi ni Roque na sumang-ayon naman si Kaye na may pananagutan talaga ang presidente kapag hindi agad na naparusahan ang mga pumapatay sa lipunan.

Generals nag-walk out daw sa isang command conference; AFP, nagsalita na

“Mas karumal-dumal itong Maguindanao massacre dahil hindi lang pinaslang ang karapatang mabuhay ng mga biktima, pinaslang din ‘yung karapatan sa malayang pamamahayag,” dagdag pa ni Roque.

Ang hakbang ni Roque ay sinang-ayunan sa Rome Statute ng ICC.

Giit ni Roque, may obligasyon ang Pangulo hindi lang sa imbestigasyon kundi sa paglilitis at pagpaparusa sa mga pumapatay sa lipunan.

“Nakakalungkot lamang kasi hindi iyan nangyayari sa ating bayan dahil ang ating conviction rate ay napakaliit, 1%,” pahayag pa ni Roque.

Partikular na nakikitang problema ni Roque sa mabagal na usad ng kaso ng Maguindanao massacre ang aniya’y hindi gumaganang sistemang legal sa bansa, kawalan ng political will at gross ignorance of the law.

Gayunman, wala pang ibinigay na petsa si Roque kung kailan ihahain sa ICC ang kaso laban kay Pangulong Aquino.