Hiniling ng isang mambabatas mula sa Quezon City na itaas ang buwanang sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa P30,000 kahit pa anong haba ng panahon ng kanilang serbisyo.

Sinabi ni Rep. Winston “Winnie” Castelo na sa ilalim ng House Bill 5188 ay lahat ng public elementary at high school teacher ay makatatanggap ng P30,000 basic monthly salary.

Nakabimbin ngayon sa House Appropriations panel, na pinamumunuan ni Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab, nakasaad din sa panukala na ang pondo para sa dagdag-sahod ay isasama sa budget ng Department of Education (DepEd) sa bawat fiscal year.

“Dahil sa iba’t ibang hamon na hinaharap ng mga public school teacher, dapat lang na bigyan sila ng salary increase na karapat-dapat sa kanila,” pahayag ni Castelo, chairman ng Committee on Metro Manila Development.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Iginiit ni Castelo na hindi makatarungan ang sahod na kasalukuyang natatanggap ng mga public school teacher kung ihahambing sa kanilang sakripisyo at kontribusyon sa pag-usad ng bansa.

Sinabi pa ng mambabatas na ang propesyon ng pagtuturo ay nangangailangan ng mahabang pasensiya at sipag.

Bukod dito, ang trabaho ng mga guro ay hindi lang sa loob ng mga silid-aralan dahil sila rin ang gumagawa sa kani-kanilang tahanan. - Ellson A. Quismorio