Sumugod ang mga miyembro ng women’s group at transgender community sa US Embassy sa Roxas Blvd., Manila kahapon upang kondenahin ang umano’y usad-pagong na imbestigasyon sa kaso ng pamamaslang kay Jeffrey Laude, alias “Jennifer”.
“Kami lahat ay ‘Jennifer’!” sigaw ng grupo habang nagpupumilit na makalapit sa embahada bitbit ang mga placard na bumabatikos sa PH-US Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
“Naniniwala kami na ang mga krimen na ito na kinasasangkutan ng mga sundalong Amerikano ay hindi mga ordinaryong krimen. Itong mga krimen na ito ay resulta ng hindi patas na kasunduan (ng US at Pilipinas),” ayon kay Jean Enriquez, convenor ng World March of Women.
Matatandaan na napatay si Jennifer sa Olongapo City noong Oktubre 11 kung saan itinuturong salarin ay si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton.
Masusing sinusubaybayan ng grupo ng kababaihan at transgender community ang resulta ng DNA test na isinagawa kay Pemberton noong Nobyembre 27. -
Jenny F. Manongdo