Hinamon ni dating Vice-Mayor Mercado ng Makati si VP Binay ng debate. Ginawa niya ito habang nasa labas siya ng bansa na ginawa itong isyu laban sa kanya at sa subcommittee ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa tiwaling pamamahala ni VP Binay nang ito ay alkalde pa ng Makati. Nagbakasyon lang ako, wika ni Mercado, para dalawin ang aking pamilya na naninirahan sa Amerika. Babalik aniya ako sa katapusan ng Nobyembre, pero kung tatanggapin ni VP Binay ang aking hamon na kami ay magdebate uuwi kaagad ako. Tinanggihan ni Vice-President ang hamon at normal lang na gawin niya ito.
Kung ano ang dahilan kung bakit umatras si VP Binay sa debate nila ni Sen. Trillanes na siya mismo ang naghamon ay siya ring dahilan kung bakit niya tinanggihan ang alok naman ni Mercado. Naduwag si Vice-President sa mga impormasyong ibubunyag ng senador na makasisira sa kanya kung natuloy ang kanilang debate. Alam niyang armado ito ng impormasyon na si Mercado mismo ang pagmumulan. Eh di lalo na kung si Mercado mismo ang kanyang makakaharap. Hindi masasabi ni VP Binay na heresay o tsismis ang ibubunyag nito. Paano, matagal silang nagkasama at alam ng bawat isa ang kanilang pinaggagawa. Dahil noong panahong iyon ay walang masamang tinapay sa kanila. Pero, nakalimutan nila na mabuway ang kanilang relasyon dahil nakapundar ito sa pulitika. Alam naman ninyo ang uri ng ating pulitika, isa itong demonyo na pinaghihiwalay kahit magkakamaganak. Ito pa nga ang isa sa mga dahilan kung bakit sila nagpapatayan.
Pero kung may nalalamang hindi maganda si Mercado ukol kay VP Binay, gayon din naman si VP Binay kay Mercado. Pwede ring ibunyag ang mga ito ng Vice-President kung sakali mang nagdebate sila. Kaya lang nga agarabyado siya. Hindi nagmamalinis si Mercado tulad niya dahil inaambisyon niya ang pinakamataas na posisyon sa ating gobyerno. Hindi maiiwasan na bawat ibato ni VP Binay kay Mercado ay maibabalik niya ito sa kanya nang higit na mabigat at malala. Sabi nga ni Mercado, ang SOP ay kapag meron siya, mas malaki ang kay Binay. Sa mga partnes in crime o mga kasabwat, walang kinatatakutan ang umaamin at nakahandang umamin dahil ang katotohanan ang magpapalaya sa kanya.