Narito ang huling bahagi ng ating paksa sa kung ano ang gagawin mo kapag nakagawa ka ng pagkakamali.
- Bumangon ka uli. - Pangaral sa atin ng matatanda na kapag nadapa tayo, bumangon uli. Kapag nahulog ka sa kabayo, sumampa ka uli. Ganoon din sa buhay... Kapag hinintay mong maghilom mag-isa ang isnag pagkakamali, lalo ka lamang mapaparalisa sa takot. Tandaan na kapag nagtakda ka ng mahuhusay na goal, hindi ka madidiskaril sa iyong mga plano dahil lamang sa maliliit na pagkakamali.
- Maging responsable sa iyong mga gawain. - Maaaring isipin mo na ang pagiging responsable ay nangangahulugan na bibitayin natin ang ating sarili sa kahihiyan dahil may nagawa tayong kapalpakan. Ngunit walang dahilan upang iugnay ang responsibilidad sa kahihiyan. Ito ay simpleng pag-amin ng kamalian at paggawa ng mga hakbang upang maituwid ang pagkakamali.
- Makipag-usap at humingi ng tulong. - Ang mga kapalpakan na matindi ang epekto sa atin ay yaong nakaapekto sa ibang tao. Paano kung isipin ng iba na palpakin ka at hindi maaasahan? Ang una mong gagawin ay ang umamin na nagkamali ka at gumawa ng hakbang upang maituwid iyon sa lalong madaling panahon. Panatilihing bukas ang mga linya ng komunikasyon at huwag mag-atubiling humingi ng tulong lalo na sa mga nakaranas ng parehong situwasyon. Marami ring kasama ang handang tumulong sa pagresolba ng pagkakamali ngunit kailangan mong ipahayag sa kanila ang pangangailangan mo sa kanila.
Sa panahon ngayon na parang nakikipagkarera ang mga kumpanya at pabrika, kahit pa sa harap ng maunlad na teknolohiya, napakadaling magkamali. Marami sa atin ang nag-uuwi pa ng trabaho sa bahay dahil sa kakapusan ng oras at inuumaga sa kakatrabaho. Kaya naman hindi nakapagtataka na kung minsan hindi na tayo makapag-isip ng tuwid bunga ng kapaguran at kakapusan sa tulog.
Ang pinakamahalaga ay ang survival. Itatanggi mo ba na nagkamali ka at isisi ito sa iba o aaminin mo na lang ang iyong kapalpakan at gagawa ng paraan upang ituwid iyon? Ang pinakamalalang maaaring mangyari ay ang may makapansin na nagdurusa ka sa kapalpakang ginawa mo.