Handa nang muling magpasiklab ang Filipina boxers na mixed martial arts fighters na ngayon na sina Ana Julaton at Juejeath Nagaowa sa darating na Disyembre sa Mall of Asia Arena.
Ang naging event ng One Fighting Championship (One FC) ay kinakitaan ng pagtatagumpay nina Julaton at Nagaowa, kapwa dating professional boxers, nang umani sila ng mga panalo at mas pinatatag pa ang kanilang estado bilang nangungunang female MMA fighters sa Pilipinas.
Sa “One FC: Warrior’s Way” sa Disyembre 5, aasintahin nilang maulit ang pagsungkit ng panalo sa harap ng mga kababayan.
Nakatakdang hamunin ni Nagaowa si Tharoth Sam ng Cambodia, habang masusubukan naman ang galing ni Julaton kontra Walaa Abbas ng Egypt. Ito ang ikalawang pagsabak sa octagon ni Julaton sa Manila at asam niyang muling makuha ang panalo sa harap ng kanyang Filipino fans.
“Ana is so proud to be Filipina and has been working so hard to make all her supporters and Kababayans proud of her. With Coach Ricky Lundell teaching her ground game you can expect a new and improved Ana Julaton,” lahad ng boxing coach ni Julaton na si Angelo Reyes.
Samantala, mula sa ilalim ay umangat naman ang pangalan ni Nagaowa sa larangan ng boxing sa bansa. Sa kanyang pagsabak sa ring sa ilang laban sa Korea at Japan, nasungkit niya ang WBO Asia title. Tubong Baguio City, pinangingilagan ang kanyang ferocious punching power.
Sinasabing hindi magtatagal at ilulunsad na rin ang One FC world championship belt sa women’s division. Ngunit bago nito, sisiguruhin muna nina Julaton at Nagaowa na umani ng maraming panalo upang makasiguro ng title opportunity.
Ang mga tiket para sa “One FC: Warrior’s Way” ay mabibili pa rin sa www.smtickets.com.