PAG-ASA NG BAYAN ● Makailang ulit na nating narinig ang kataga ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. At marami na ang nakapagpatunay na sila nga ang magiging kinabukasan ng Bayan ni Juan. Isa na rito ang isang grupo ng kabataan sa Quezon City na may layuning sugpuin ang paglaganap ng ilegal na droga sa kanilang lungsod. Nagsanib-puwersa ang QC Vice Mayor’s Office, QCPD, ang mga barangay at mga estudyante at tinawag nila itong Barkada Kontra Droga (BKD).
Ayon sa batang-batang QC Vice Mayor Joy Belmonte, Chairman ng Quezon City Anti–drug Abuse Advisory Council (QCADAC), inaasahan na ang nilikha ng kanyang tanggapan na BKD ay tutuldok sa ilegal na droga sa QC. Aniya, ang mga nanumpa na mga estudyante na kasapi ay may ID ng BKD, nagsabi ng mga katagang pinangako nila na sila ay iiwas sa droga para maging kapaki-pakinabang sila sa kanilang paaralan at komunidad. Nabatid na ang inilunsad na BKD sa Quezon City Memorial Circle ay dinaluhan ng mahigit 200 estudyante, mga Barangay kagawad mula sa 6 na distrito ng Lungsod, kinatawan ng QCPD sa pamumuno ni Director P/Chief Supt. Joel Pagdilao at ilang kabataang volunteer. Sa naturang okasyon, malugod na tinanggap ni Belmonte ang mga miyembro at mga opisyal at mariing nanawagan na gawing drug free ang Quezon City sa pamamagitan ng tulungan at barkadahan kontra droga. Ang mga miyembro ng BKD mismo ang palihim na kikilos upang isuplong ang mga sugapa sa droga, mga nagtutulak at mga tumatangkilik ng ilegal na substance. Agad namang kikilos ang pulisya upang dakpin ang sinumang positibong ingunguso ng kabataang miyembro ng BKD. Ang kabataang ito ang katuwang ng ating mga awtoridad upang makamtan ang mas kaaya-ayang pamuhayang bansa – ang susunod na henerasyon ng mga leader ng Pilipinas.
***
TAGAWASAK NG PANGARAP ● Kamakailan lang, 2 bentadora ng shabu ang nahuli sa Naga City. Naaresto sila sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Nasamsam sa dalawang bruha ang 300 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon. Matagal nang minamatyagan ng magigiting na tauhan ng PDEA ang dalawang ito upang maging siyento por siyento ang paghuli sa dalawa. Isipin na lang kung naibenta nila ang drogang kanilang iniingatan. Ilang pangarap ang kanilang wawasakin, ilang buhay ang kanilang sisirain?