Ni AARON RECUENCO

Kung akala n’yo ay maiinggit ninyo ang inyong mga kaibigan sa pagpapaskil ng inyong mga larawan na nagpapakita ng inyong marangyang pamumuhay, mag-isip muna kayo nang mabuti.

Sinabi ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na paboritong target ngayon ng mga kidnap-for-ransom gang ang mga personalidad na mahilig ibandera ang kanilang yaman at marangyang pamumuhay sa mga social networking site tulad ng Facebook at Twitter.

Ayon kay Senior Supt. Rene Aspera, chief of staff ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police, nadiskubre kamakailan ang bagong modus operandi na ang karamihan sa mga biktima ng kidnapping ay mahilig magpaskil ng kanilang mga mamahaling ari-arian at pamamasyal sa ibang bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Mayroon kaming mga kaso na napili nila (kidnap gang) ang kanilang bibiktimahin sa Facebook,” pahayag ni Aspera.

Base sa datos ng PNP, halos limang kaso ang naitala ng pulisya na mga Facebook-related kidnapping incident.

Bagamat maliit pa rin ang bilang, nangangamba si Aspera na posibleng dumami pa ang biktima ng kidnapping sa pamamagitan ng social networking site kung hindi mag-iingat ang mga netizen.

Dahil dito, hinikayat ni Aspera ang mga netizen na limitahan ang pag-upload ng mga larawan at iba pang ipinapaskil sa mga social networking site upang hindi makaakit ng atensiyon ng mga kidnapper at iba pang kriminal.

Bukod sa kidnap-for-ransom, mayroon ding mga insidente ng identity theft, panggagahasa, carnapping at panloloob, na ang pinag-ugatan ay pagpapaskil ng mga larawan sa Facebook.

“Hindi n’yo dapat ilantad ang mga mamahaling ari-arian n’yo upang hindi kayo pag-interesan ng mga kriminal,” payo ni Aspera.

Aniya, umabot na sa 43 ang kaso ng KFR sa Luzon at Mindanao.