Nabigong maiharap kahapon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Sandiganbayan ang bank records ng isa sa mga whistleblower sa P10-billion pork barrel fund scam na si Benhur Luy dahil na rin sa Bank Secrecy Law.

Sa bail hearing kahapon, inihayag ni Atty. Joel Jimenez ng AMLC, kulang din sila sa oras upang gawin ito dahil noong Biyernes (Nobyembre 12) lamang nila natanggap ang kopya ng subpoena para sa mga nasabing dokumento.

Hiniling din nito sa hukuman na bigyan sila ng sapat na panahon upang maisumite ang dokumento sa korte dahil karamihan aniya sa mga ito ay confidential alinsunod na rin sa mga batas sa bank secrecy at anti-money laundering.

Agad namang tinutulan ito ni Paul Arias, abogado ni Senator Jinggoy Estrada kung saan sinabing binigyan na sila (ALMC) ng sapat na oras upang maihanda ang tinutukoy na dokumento at maaaring magpapaantala lamang ito sa pagdinig.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ibinasura ng anti-graft court ang argumento ni Arias at sinabi ng korte na humihingi lamang ng karagdagang panahon ang AMLC upang maiprisinta ang dokumento.

Binigyan din ng tatlong araw ng ALMC upang maiharap ang nasabing mga dokumento at dalawang araw naman ang ibinigay sa panig ng depensa upang makapagkomento.