Mga laro ngayon (Fil-Oil Flying V Arena):
Jru vs. San Sebastian (m/w)
Mapua vs. San Beda (w/m)
Makasalo sa event host Arellano University sa pamumuno sa women’s division ang tatangkain ng isa sa mga pre-season favorite San Sebastian College sa kanilang pagsabak ngayong umaga kontra season host Jose Rizal University sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 90 volleyball tournament sa Fil-Oil Flying V Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang Lady Stags at ang Lady Bombers sa ikalawang laban matapos ang salpukan ng kani-kanilang men’s squads sa pambungad na laro na magsisimula ng alas-8 ng umaga.
Nasa ikalawang puwesto ngayon ang Lady Stags kapantay ng College of St. Benilde Lady Blazers sa likod ng namumunong Arellano Lady Chiefs (4-0) na naiiwan lamang ng isang panalo.
Huli nilang tinalo ang defending champion na University of Perpetual Help Lady Altas noong nakaraang Biyernes sa loob ng tatlong sets, 25-17, 25-19, 25-13.
Bagamat paborito, sinabi ni San Sebastian coach Roger Gorayeb na wala pa silang dapat na ipagdiwang dahil wala pa naman silang nararating.
“Mahaba pa ‘yan, nakakatatlo pa lamang kaming laban. Basta ang lagi ko lang sinasabi sa kanila, maging consistent kami lalo na sa depensa at sa reception, kasi hindi kamai makapagexecute ng maayos kung wala kaming receive,” ani Gorayeb.
Gaya ng dati, sasandigan ni Gorayeb upang pangunahan ang kanyang koponan sa asam nilang ika-apat na sunod na tagumpay ang kanilang team captain at top hitter na si Gretchel Soltones at ang baguhang si Nikka Marielle Dalisay at kapangalan nitong si Nikka Arabe at ang beteranang si Jolina Labiano.
Sa kabilang dako, may dahilan naman para maging maingat ang Lady Stags dahil bagamat galing sa pagkatalo sa huling laro nito kontra St. Benilde, hindi rin puwedeng basta balewalain ang napakalaki na ang ini-improve na JRU Lady Bombers na mayroon ng dalawang panalo at kasalo ngayon ng Emilio Aguinaldo College Lady Generals sa ikatlong puwesto taglay ang patas na barahang 2-2.
Samantala, parehas namang wala pang naipapanalo matapos ang unang tatlong laban kapwa sa men’s at women’s division, mag-uunahang makabasag sa win column ang women’s at men’s team ng San Beda at Mapua sa huling dalawang laro ngayong hapon.