MILYUN-MILYONG Pilipino ang naninirahan sa Amerika. Ang opisyal na census figure mula sa US Census Bureau hanggang 2011 ay nasa 1.8 milyon ang nagmula sa Pilipinas, ang pang-apat na pinakamalaking immigrant group sa Amerika, kasunod ng Mexico, China, at India. Sa bilang na ito, siyempre, hindi kasama ang libu-libong iba pang Pinoy na nag-TNT (tago nang tago) roon na laging umiiwas sa immigration officers.
Ang ‘di dokumentadong mga Pinoy na ito ay kabilang sa inaasahang limang milyong illegal immigrant na makikinabang sa executive order ni Pangulong Barack Obama noong Huwebes. Ito ang mga naninirahan sa naturang bansa nang walang kaukulang papeles na higit pa sa limang taon na may anak na citizen o legal na permanenteng residente.
Ang executive ordrer, binigyang diin ni Obama, ay hindi magkakaloob ng citizenship sa mga illegal immigrant o ang karapatang manatili sa Amerika nang permanente. Pahihintulutan lamang nito na lumutang ang mga ito at mag-apply ng three-year work authorization. Hindi muna aaksiyunan ang proseso ng deportation maliban sa may mga criminal record at may banta ng panganib sa lipunan. Pinaluluwag din nito ang immigration rules para sa mga high-tech worker at mga mag-aaral sa science, technology, engineering, at mathematics.
Agad namang tinanggap ng ating gobyerno ang bagong plano ng administrasyong Obama para sa mga unauthorized immigrant at inatasan ng Department of Foreign Affairs ang lahat ng foreign service post nito sa Amerika na ayudahan ang lahat ng mag-a-apply ng proteksiyong ito. Nagpahayag naman ang National Federation of Filipino-American Associations na magsasagawa ito ng mga educational forum upang palawakin ang kaalaman ng Filipino-American community.
Maraming Pinoy, lalo na yaong highly skilled, ang makikinabang sa programa. Ayon sa Migrant Heritage Commission partikular na makikinabang ang may 1,000 Filipino teacher na nabiktima ng mga illegal recruiter na nag-alok sa kanila ng non-existent na mga trabaho sa mga American public school mula 2003 hanggang 2007, na ang karamihan sa kanila ay mas pilili ang manatili sa Amerika nang ilegal. Ang pinaka-publicized undocumented immigrant sa Amerika ay ang Pulitzer Prize-winning Filipino journalist na si Jose Antonio Vargas na nagsabing mag-a-apply siya sa amnesty program.
Sa kanyang pagpapahayag ng immigration reform program, sinabi ni Pangulong Obama na ang Amerika ay laging “compassionate nation of immigrants”. Ang bagong programa, aniya, ay gagawing mas makatarungan ang immigration system. Humaharap siya sa oposisyon hinggil sa immigration mula sa mga Republican na kumokontrol ngayon ng parehong kapulungan sa US Congress gayong isang Republican President, si Ronald Reagan, ang nagkaloob ngas malawak na immigration amnesty noong 1986.
Kung alang-alang lamang sa ating sariling undocumented na mga kababayan sa Amerika, umaasa tayo na hindi magiging biktima ang programang ito sa partisan conflict sa naturang bansa. Hindi nga lahat sila mga Pulitzer prize winner ngunit marami ang kanilang maiaambag sa naturang bansa.