Magkakabit ng mga motionsensor camera sa mga pangunahing lansangan sa Maynila na magmomonitor at magre-record ng mga paglabag sa batas trapiko at inaasahan ding makapipigil o makababawas sa pangingikil ng ilang traffic enforcer.
Sinabi ni Vice Mayor Isko Moreno na paparating na ang mga monitor camera na binili pa sa ibang bansa ng pribadong kumpanyang Qpax Traffic Systems, sa bisa ng kasunduan sa pamahalaang lungsod.
Isusulong ng mga nasabing camera ang polisiya sa non-contact apprehension na magdodokumento sa paglabag sa mga batas trapiko sa pamamagitan ng mga radar camera na kayang mag-zoom in upang matukoy ang mga detalye sa plate number ng mga pasaway na driver.
Maghahati ang pamahalaang lungsod at ang Qpax sa kikitain sa makokolektang penalty.
Saklaw ng motion-sensor at wide-angled na mga camera ang tatlong anggulo at nakakabit sa mga traffic light. Nakatutok ito sa mga paggalaw sa loob ng tinatawag na yellow box sa mga intersection.
Ikakabit ang mga nasabing camera sa Quirino Avenue-Osmeña Highway, España Boulevard-A. Lacson Avenue, Dimasalang-A. Lacson Avenue, Pedro Gil-Taft Avenue, at Tayuman Street- Rizal Avenue. Nakakonekta ang mga ito sa modernong traffic command center ng city hall.
“Sa pamamagitan nito ay mababawasan ang human intervention sa mga traffic violation na karaniwang nagreresulta sa kotong. Bente-kuwatro oras ang operasyon ng mga camera,” sinabi ni Moreno sa may akda.
Ang mga kawani ng city hall na nangangasiwa sa monitoring ng mga paglabag sa batas trapiko ang makikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) para matukoy ang pasaway na motorista, na dapat na mabayaran muna ang penalty bago makapag-renew ng driver’s license at rehistro ng sasakyan.
“Sa pamamagitan ng email ay padadalhan namin kayo (traffic violator) ng picture ng inyong sasakyan. Ang ilan ay hindi na lang mamamansin, pero kapag binalewala n’yo ang aming communication letter tungkol sa paglabag, next time ay subpoena na ang tatanggapin n’yo,” ani Moreno. - Jenny F. Manongdo