Handa ang Kongreso na ipasa ang P23.34-bilyon supplemental budget na hinihiling ng Ehekutibo upang mapondohan ang mahahalagang development project ng gobyerno.
Walang nakikitang dahilan si House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. para hindi ipasa ng Kongreso ang panukalang pagpopondo sa iba’t ibang proyektong imprastruktura para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng ‘Yolanda’, sa paghahanda para sa 2015 Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit at para na rin sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa susunod na taon.
“Kung walang problema, ipapasa namin. Sa susunod na linggo, kung okay naman, ipa-file namin,” sinabi ni Belmonte nang kapanayamin noong Sabado. Una nang ipinag-utos ni Belmonte ang pagbusisi sa supplemental budget, na isinumite kamakailan ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso.
Saklaw ng 2014 supplemental appropriations ang P1.85-bilyon halaga ng mga naipagpalibang proyektong imprastruktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilalaan din sa rehabilitasyon ng Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2.
“Naniniwala akong susuportahan ng mayorya ang supplemental budget. Ang isa sa mga layunin nito ay ang makumpleto ang mga proyektong hindi natapos o hindi nabayaran dahil sa desisyon sa DAP (Disbursement Acceleration Program). Sumusunod kami sa rutang iminungkahi ng SC, ang supplemental budget,” ani Belmonte.
Suportado ni AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe ang agarang pagpapasa sa panukalang supplemental budget para mapabilis ang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda, pero nagaalanganin naman sina Gabriela Party-list Rep. Luzviminda Ilagan at ABAKADA Party-list Rep. Jonathan de la Cruz.
“Dapat may assessment muna, ang assessment kung paano gagamitin ang pondong ipagkakaloob ng Kongreso at ang donasyon ng ibang bansa. Kailangang alam muna natin kung paano gagamitin ang pondo,” ani Ilagan.
Sinabi naman ni De la Cruz na dapat na gamitin na lang sa pagpapatayo ng mas maraming silid-aralan ang supplemental budget, gayundin sa pagpapataas ng suweldo ng mga guro, pagpapabuti sa school feeding program at pagpapasigla sa produksiyon ng sektor ng agrikultura