Hindi lang sila basta nanalo sa isang artwork contest.

May once-in-a-lifetime grand prize sila—ang pambihirang pagkakataon na personal na makaharap si Pope Francis sa susunod na taon.

Inihayag ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang apat na nanalo sa “Papal Visit Stamp” on-spotdesign competition nito sa bansa.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Panalo sa professional category sina Dave Arjay Tan at Salvador Bañares, kapwa mula sa Valenzuela City, habang ang mga stamp design naman nina Bryan Michael Bunag at Mark Leo Maac, na parehong taga-Bulacan, ang nanguna sa student category, ayon sa PHLPost.

Bawat isa sa kanila ay tatanggap ng P15,000 premyo.

Pero higit pa rito, ang kanilang mga stamp design ang mga opisyal na entry sa national at international circulation para sa pagbisita sa bansa ng Papa sa Enero 15-19, 2015.

“Espesyal ang mga stamp na ito dahil igigiit naming personal na maiprisinta kay Pope Francis ang mga disenyong ito sa kanyang historic visit,” ani Postmaster General Josie Dela Cruz.

Idaraos ngayong Lunes ng PHLPost ang awarding ceremony sa The Bayleaf Hotel sa Intramuros, Maynila.