Umapela sa gobyerno ang National Press Club (NPC) na bilisan ang pagkakaloob ng hustisya para sa 58 biktima ng Maguindanao massacre, na 32 sa mga ito ay mamamahayag, sa paggunita kahapon sa ikalimang anibersaryo ng pinakamalagim na election-related violence.
Ayon kay NPC President Joel Egco, mahabang panahon na ang lumipas pero hindi pa rin nararamdaman ng mga kaanak ng mga biktima ang katarungan sa nasabing karumal-dumal na krimen.
Ito ang naging pahayag ni Egco matapos na mag-alay ng mga bulaklak, magtirik ng mga kandila, at mag-alay ng maikling panalangin ang mga opisyal at miyembro ng NPC sa marker ng Maguindanao massacre sa harap ng gusali ng NPC sa Intramuros, Maynila.
Nobyembre 23, 2009 at maghahatid ng certificate of candidacy (COC) ang advance party ng gubernatorial candidate na si Esmael “Toto” Mangudadatu nang tambangan ang kanyang grupo ng umano’y ilang miyembro at mga tauhan ng pamilya Ampatuan.