Hinihikayat ng mga organizer ng papal visit ang mga nais na dumalo sa mga aktibidad sa Leyte para sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis, na magdala ng sariling tubig at pagkain.
Ayon kay Msgr. Marvin Mejia, secretary general ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dahil inaasahan nang marami ang dadagsa sa mga aktibidad ni Pope Francis sa pagbisita nito sa bansa sa Enero 15-19, 2015, maaaring wala nang mabilhan ng pagkain o tubig, partikular sa Leyte.
Kasama sa aktibidad ng Papa sa kanyang pagbisita sa Tacloban City sa Enero 17 ang isang misa malapit sa Tacloban Airport, panananghalian kasama ang mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’, pagbabasbas ng Pope Francis Center for the Poor at pulong kasama ang mga pari at iba pa sa Cathedral of Our Lord’s Transfiguration sa Palo.
Inaasahan ding magmimisa ang Papa sa Manila Cathedral at Rizal Park sa Maynila.
Kasabay nito, umapela rin si Mejia sa mga may sakit o may problemang pangkalusugan na manatili na lang sa bahay at manood na lang sa telebisyon.