WASHINGTON (Reuters) – Batay sa mga satellite image, nagtatayo ang China ng malaking isla sa isang reef sa pinagaagawang Spratly Islands at sapat ang lawak nito para sa unang airstrip sa South China Sea (West Philippine Sea), ayon sa pangunahing defense publication ng Amerika.

Ang konstruksiyon ay nagpaigting ng pangamba na posibleng magtayo ng military installation ang China sa pinagtatalunang teritoryo, na inaasahang magpapatindi sa tensiyon ng bansa sa Pilipinas, Taiwan, Malaysia, Vietnam at Brunei na pare-parehong may inaangkin sa South China Sea.

Ayon sa IHS Jane, makikita sa mga imaheng nakuha nito ang islang itinayo ng China sa Fiery Cross Reef na nasa mahigit 3,000 metro (1.9 milya) ang haba at 200-300 metro (660-980 talampakan) ang lawak, na “large enough to construct a runway and apron.”

Isinagawa ang pagtatayo sa gusali sa harap ng panawagan ng Amerika na itigil ang anumang aktibidad sa South China Sea, ang isa sa mga pangunahing usapin sa seguridad sa Asia. Lumilikha rin ang mga dredger ng mistulang pantalan sa silangan ng reef “that would appear to be large enough to receive tankers and major surface combatants,” ayon sa HIS Jane.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nang tanungin tungkol sa nasabing report sa isang defense forum sa Beijing noong Sabado, tumanggi itong kumpirmahin ni Jin Zhirui, colonel ng Chinese Air Force, ngunit sinabing kailangan ng China na magtayo ng mga pasilidad sa South China Sea para sa mga estratehikong dahilan “to make our contribution to regional and global peace.”

Ang nasabing isla ang ikaapat na land reclamation project ng China sa Spratly Islands sa nakalipas na 12-18 buwan at ang pinakamalaki sa lahat, ayon sa IHS Jane.