Ni HANNAH L. TORREGOZA

Hindi pa rin ligtas sa imbestigasyon si dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado kahit pa isa siya sa mga whistleblower sa umano’y overpriced na Makati City Hall Building 2 at iba pang sinasabing anomalya na iniuugnay kay Vice President Jejomar Binay, ayon kay Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Cayetano, binibigyang bigat din ng Senate Blue Ribbon subcommittee ang pag-amin ni Mercado na minsan din itong nakinabang sa korupsiyon sa Makati, kasama si Binay.

“First of all, kasama naman talaga si Mercado sa imbestigasyon eh. From the start, umamin siya na kumita rin siya at parte siya ng sistema. Kaya nga siya tinatawag na whistleblower,” sinabi ni Cayetano sa isang panayam.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ng Senate majority leader na ang sitwasyon ni Mercado ay hindi naiiba sa kalagayan ni Benhur Luy, ang pangunahing testigo sa umano’y P10-bilyon pork barrel fund scam at nahaharap ngayon sa mga kaso; at sa sitwasyon ni Rodolfo “Jun” Lozada Jr., na tumestigo laban sa administrasyong Arroyo sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa NBN-ZTE deal noong 2008.

Una nang nagpahayag ng kahandaan ang Department of Justice (DoJ) na imbestigahan ang sinasabing yaman ni Mercado na ibinunyag kamakailan ng mga opisyal ng United Nationalist Alliance (UNA), ang partido ni Binay.

Kasabay nito, hinamon ni Cayetano si Binay at ang mga kaalyado nito na dumalo sa imbestigasyon ng Senado upang personal na ma-cross-examine ng mga ito ang dating bise alkalde kaugnay ng mga alegasyon ng huli laban kay Binay.

“Ang mga miyembro na kakampi o kasama ni VP ay ang mismong hindi nag-a-attend na sana ay nagko-cross examine rin kay Mr. Mercado. But again, dini-distract nila ang issue, eh. Ang issue dito is whether or not nagnakaw ang mga Binay, whether or not in-overprice, whether or not sa kanila ang ill-gotten wealth,” giit ni Cayetano.

Sinabi pa ni Cayetano na maaari namang magsilbi na lang na observer ang mga senador sakaling kapwa dumalo sa pagdinig at magprisinta ng kani-kanyang ebidensiya ang magkabilang panig para “malaman ang buong katotohanan”.