KIDAPAWAN CITY – Isang liblib na barangay sa bayan ng Pikit sa North Cotabato ang naging “no man’s land” matapos na isang angkan ng Moro ang nakipaglaban sa isa pang grupong Moro noong nakaraang linggo.
Ang dalawang angkan ay kapwa miyembro ng isang armadong grupo ng mga rebelde, ayon sa Pikit Municipal Police.
Sinabi ni Tahira Kalantongan, social welfare officer ng Pikit, na halos 100 porsiyento ng kabuuang populasyon sa Barangay Langayen—o mahigit 700 pamilya—ang lumikas sa takot na maipit at madamay sa paglalaban.
Ang Bgy. Langayen ay nasa hangganan ng mga bayan ng Midsayap at Aleosan.
Sinabi ni Senior Insp. Sendatu Karim, hepe ng Pikit Police, na sinalakay ng grupo ng isang opisyal sa kalapit na Bgy. Dungguan sa Aleosan, na nakilala lang sa apelyidong Suga, ang Bgy. Langayen, na roon nakatira ang kanilang mga kaaway—na kamag-anak din nila.
Ayon sa mga report, katuwang ang mga armadong civilian volunteer, ay hangad ni Suga na angkinin ang Bgy. Langayen sa paniniwalang pag-aari nito ang ilang ektarya ng lupain sa lugar.
Dahil sa paglalaban, na nagsimula noong Nobyembre 19, ay dalawang miyembro ng civilian volunteer organization mula sa Bgy. Langayen ang nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan.
Ang napatay ay kinilalang sina Nashrudin Tayuan at Abraham Mangadta, kapwa residente ng Bgy. Langayen. - Malu Cadelina Manar