KAHIT garantisadong hindi na maghahangad pa ng panibagong term extension si Pangulong Noynoy Aquino, hindi pa rin sigurado na si DILG Sec. Mar Roxas ang irerekomenda ng binatang Pangulo na maging kandidato ng Liberal Party (LP) sa 2016 elections. Sa interview ng mga reporter nang siya’y magtungo sa

Singapore, ipinahiwatig ng Pangulo na ang kanyang ieendorsong official presidential bet ng LP ay hindi nangangahulugan na mangagaling mismo sa loob ng partido. Inihayag niya na kukunsultahin pa rin niya ang iba’t ibang partidong pulitikal na kasama sa koalisyon ng LP tungkol sa bagay na ito habang ang partido ay nasa proseso ng pagbubuo ng isang consensus kung sino ang dapat piliing standard bearer sa 2016. Samantala, iginigiit ni Senate President Franklin Drilon na ang official candidate ng LP ay dapat na maging isang kasapi ng LP at hindi ng kung saang lapian.

Patuloy sa pagdedepensa si Acting Health Secretary Janet Garin sa ginawa niyang pagbisita sa Caballo Island na kinaroroonan ng Filipino peacekeepers mula sa Liberia na sumasailalim sa 21-day quarantine para sa Ebola virus. Kasama niyang nagtungo roon si AFP chief of staff Gen. Gregorio Pio Catapang nang walang suot na protective suit upang hindi mahawa sakaling may ebola virus ang sino mang sundalo roon.

Pahaharapin yata o pinaharap na sa Senado si Sec. Garin para tanungin sa isyung ito at dinggin ang kanyang mga pahayag tungkol naman sa hinihinging budget para sa departamento ng kalusugan. Tinatanong ako ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Bakit nagpunta roon sina Garin at Catapang gayong alam nilang naka-isolate ang mga kawal upang alamin kung sila’y may Ebola virus o wala”. Sabad ni Tata Berto: “Baka nagpapasiklab o dahil sa media mileage.” Maganda at sexy si Usec. Garin, pero takot yata ang mga senador na makipagkamay sa kanya.
National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands