Mga laro ngayon (JCSGO Gym):
12pm -- Racal Motors vs. AMA University
2pm -- MP Hotel vs. Jumbo Plastic
4pm -- MJM Builders vs. Bread Story
Umangat mula sa kinalalagyang buntot ng team standings ang tatangkain ng limang mga koponang kasalukuyang nasa 6-way tie sa ilalim sa tatlong magkakahiwalay na laro ngayong hapon sa 2015 PBA D-League Aspirants Cup sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Pare-parehas na may barahang 1-3, panalo-talo, kasalo ng Tanduay Light, magtatangka ang Racal Motors, AMA University, MP Hotel, MJM Builders- FEU at Bread Story ng kani-kanilang ikalawang panalo sa pagsalang nila sa hapong ito.
Mauunang maghangad para sa kanilang pangalawang tagumpay ang Racal Motors Alibaba at ang AMA University Titans sa kanilang pagtutuos sa pambungad na laro ganap na alas-12 ng tanghali.
Susundan ito ng pagsalang ng MP Hotel Warriors kontra Jumbo Plastic Lionelum Giants na target naman ang solong ikalawang posisyon kung saan kasalukuyan silang magkaslo ng Café France taglay ang barahang 3-1, panalo-talo sa likod ng mga namumunong Hapee Toothpaste at Cagayan Valley na kapwa wala pang talo matapos ang apat na laro.
Sa huling laban naman magtatapat ang MJM-Builders at ang Bread Story ganap na ika-4 ng hapon.
Sa nabanggit na mga koponan, may malaking problema ang MJM Builders na ka-tie-up ng Far Eastern University at naghahangad pa naman ng unang back-to-back win dahil nagkataon din na pasok sila sa elite 8 ng ginaganap na Philippine Collegiate Champions League.
Halos magkasunod ang laban ng Builders at ng Tamaraws sa dalawang liga kung kaya’t mapag-aalaman ngayong hapon kung paano nila hahatiin ang kanilang koponan.
Alas-2 ng hapon laban ng Tamaraws kontra De La Salle University sa PCCL na gaganapin sa Yanres Sports Center sa Pasig City habang alas-4 naman ng hapon sa PBA D-League ang laban ng Builders.
Ayon kay FEU coach Nash Racela, nasa MJM ang commitment ng FEU kaya’t posibleng ang kanilang mga second stringers ang siyang lalaban sa Green Archers habang ang kanilang mga starters na sina Mike Tolomia, Mac Belo, Carl cruz, Raymar Jose at Achie Inigo ay sa D-League maglalaro.
Gayunpaman, problema pa rin nila dahil mawawala pa rin sa MJM ang kanilang mga National University players na may laro rin sa PCCL ganap na alas-4 naman ng hapon kontra San Beda College.
Nakabalik sa winning track matapos maiposte ang kanilang ikatlong panalo sa pamamagitan ng 81-65 na pagdurog sa Wangs Basketball noong nakaraang Huwebes, pinapaboran ang Giants kontra sa baguhang MP Warriors na sumadsad naman sa dalawang sunod na pagkabigo makaraang maipanalo ang ikalawa nilang laban kontra rin sa Wangs.
“It will be another physical game and we just have to be wary with our execution,” pahayag ni Giants coach Steve Tiu.
Samantala sa unang laro, tatangkain naman ng Racal Motors sa ilalim ng bagong coach na si Caloy Garcia na makamit ang ikalawang sunod panalo laban sa AMA University na manggagaling naman sa pagkabigo sa nakaraan nilang laro sa kamay ng MJM Builders FEU.