LEGAZPI CITY — Pararangalan si Albay Gov. Joey S Salceda bilang 2014 Most Outstanding Management Engineering Alumnus ng Ateneo University, at kikilalanin ang kanyang “innovative and transformative leadership and service as three-term congressman and governor” ng Albay. Ang parangal ay igagawad kay Salceda sa FAME homecoming dinner sa ika-13 ng Disyembre sa bagong Rizal Library ng Ateneo de Manila University sa Loyola Heights, Quezon City.

Ayon kay Pyth Brion, pangulo ng Federation of Ateneo Management Engineers (FAME), napili si Salceda para sa parangal dahil sa mga malikhaing pagbabagong pinasimulan niya sa disaster risk reduction (DRR) at climate change adaptation (CCA), higit na pinahusay na serbisyo sa kalusugan at edukasyon, at pangmatagalang integrative and economic development planning.

Nagtapos si Salceda ng kanyang Bachelor of Science in Management Engineering (BSME), Cum Laude, sa Ateneo noong 1981. Bukod sa pagiging regular na Dean’s Lister at university academic scholar, iskolar din siya ng Government Service Insurance System at Yutivo Scholarship. Tinapos din niya noong 1990 ang kanyang Masters in Business Management sa Asian Institute of Management bilang USAid scholar. Ginawaran din siya ng Doctor of Humanities degree, Honoris Causa ng Bicol University noong 2009.

Kasalukuyang nasa kanyang pangatlong termino si Salceda bilang gobernador ng Albay. Naging three-term congressman din siya ng Albay 3rd district na walang nagtangkang labanan siya. Tatlong beses din siyang itinalagang chairman ng Bicol Regional Development Council, at ngayon ay pinamamatnugutan niya bilang chairman ang Luzon Area Development Coordinating Council.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasalukuyang co-chairman si Salceda ng United Nations Green Climate Fund, na kinatawan siya ng Southeast Asia at mahihirap na bansa. Itinalaga rin siya ng United Nations noong 2010 bilang Senior Global Champion sa DRR at CCA, at Advisor for International Economic Affairs ng Incheon Metropolitan City (South Korea) mula 2009 hanggang 2015.