Mga laro ngayon: (Alonte Sports Arena-Binan, Laguna)

3 p.m. Talk ‘N Text vs. Barako Bull

5:15 p.m. Meralco vs. Purefoods

Ikatlong dikit na panalo na mag-aangat sa kanila sa kasalukuyang posisyon sa team standings ang kapwa tatangkain ng defending champion Purefoods at Barako Bull sa dalawang magkahiwalay na laro ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon ng PBA Philippine Cup sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kapwa nakapagtala ng back-to-back wins ang dalawang koponan, ang Star Hotshots kontra sa mga baguhang NLEX Road Warriors at Blackwater Elite at ang Energy Cola laban sa Kia Sorento at dating walang talo at kasalukuyang lider na Alaska.

Unang sasabak ang Energy Cola kontra sa Talk ‘N Text sa pambungad na laban sa ganap na alas-3:00 ng hapon.

Susunod naman ang Star Hotshots laban sa Meralco sa ganap na alas-5:15 ng hapon.

Labis naman ang naging pasasalamat ng bagong head coach ng Barako na si Koy Banal sa ginawang pagtulong sa kanya ng kanyang mga player, partikular ang mga beterano sa roster na sina Denok Miranda, Mick Pennisi, Chico Lanete at Willy Wilson upang mabuo ang koponan at maging isang solidong fighting unit.

At ang bunga ay ang kanilang dalawang sunod na panalo makaraan ang kabiguan sa unang limang mga laro, kabilang na ang pagkakabingwit sa pinakamalaking isda sa kasalukuyan, ang Aces.

“I really appreciate their help. Everybody is contributing para mabuo kami,” pahayag ni Banal na naupo bilang head coach ng koponan, dalawang oras bago magsimula ang season.

Naiwan lamang ng isa panalo sa kasalukuyan ng kanilang makakatunggali na Tropang Texters, target ng Star Hotshots na mapalawig ang nasimulang winning run habang sisikapin naman ng una na makabangon sa nalasap na ikatlong kabiguan sa loob ng pitong laban, kabilang na sa Globalport Batang Pier, 97-105, noong nakaraang Nobyembre 18.