Sa pagbisita ni Pope Francis sa Leyte sa Enero 17, Sabado, sa susunod na taon, makakasalo niya sa pagkain sa Palo ang 30 survivor ng kalamidad sa Visayas, matapos ang pagdaraos ng misa sa Tacloban Airport. Magiging isang malaking karangalan ang maging isa sa 30. Higit pa sa karangalan, magiging isang dakilang personal at relihiyosong karanasan para sa mga napiling makasama niya sa hapag-kainan.

Pumipili na ngayon ang Archdiocese of Palo kung sinu-sino ang makakasalo ng Papa sa espesyal na pananghalian. Isasama nila rito hindi lamang ang mga survivor ng Yolanda kundi pati na rin ng iba pang kalamidad na mula sa Cebu at Bohol na tinamaan ng malakas na lindol bago nanalasa ang Yolanda. May iba pang mga aktibidad para sa Papa sa Leyte at Manila sa Enero ngunit, bilang pagrespeto sa kahilingan ng Papa, maiigsing oras lamang ang pakikipagpulong niya sa mga opisyal.

Magmimisa siya kasama ang mga obispo, pari at relihiyoso sa Manila Cathedral, at pagkatapos nito makikipagkita siya sa mga pamilya sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Enero 16, Biyernes. Sa Leyte, bibisitahin niya ang Cathedral of Our Lord’s Transfiguration at babasbasan ang Pope Francis Center for the Poor. Sa Manila, sa Enero 18, Linggo, makikipagkita siya sa mas maraming religious leader at sa kabataan sa Pontifical University of Santo Tomas.

Sapagkat hindi lang siya isang religiouis leader bilang pinuno ng Simbahang Katoliko kundi pati na rin bilang chief of state ng Vatican City na isang sovereign state, opisyal siyang tatanggapin sa Malacañang ni Pangulong Aquino sa Enero 16. Ang pinakamalaking affair marahil na kanyang dadaluhan ay ang misa sa pagtatapos ng kanyang pagbisita na idaraos sa Quirino Grandstand sa Rizal Park sa Enero 18, Linggo, kung saan magdadagsaan ang napakalaking madla.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ngunit ang kaawa-awang mga survivor ng supertyphoon Yolanda at iba pang kalamidad ang paulit-ulit na sinabi ni Pope Francis na nais niyang bisitahin. Magkakaroon siya ng oportunidad na makapiling sila sa Enero 17, hindi sa distansiyang kasing layo ng madla sa kanyang misa kundi totoong malapit, sa isang simpleng hapag-kainan. Para sa makakasalo sa pananghaliang ito, ito ang natatanging karanasan ng buong buhay – ang makasalo ang Kinatawan ni Kristo sa isang eksenang magugunita ng marami sa hapag-kainan ng Huling Hapunan sa Biblia